Ang Adventurer na Kinaiinggitan Ko

by Sankage Steno

Na-meet ko kanina si Romi Garduce, ‘yung Pilipinong umakyat ng Mt. Everest at unang Pinoy na nakaakyat sa Seven Summits ng planetang Earth.

Launching kasi ng libro n’yang Akyat! A Filipino’s Journey to the Seven Summits. E pagdating ko kanina sa venue, wala pang masyadong tao. Napaaga ako ng dating. Actually, on time ako. Late lang talaga madalas dumating ang mga Pinoy sa events. Kakahiya.

So habang naghihintay, ikot-ikot muna sa venue. Tapos may nakita akong lalaking nakaupo sa isang mono-block chair at nag-aayos yata ng sound system o may kinakalikot lang sa laptop sa harapan n’ya. Sa loob-loob ko, wala lang. Dedma. Di ko naman s’ya ka-close. Buti nga hindi ako nakapag-isip ng masama kasi medyo nakaharang s’ya sa daan. Ako na lang ang umikot para umiwas sa pwesto n’ya.

Si Romi Garduce na pala ‘yon.

E malay ko bang s’ya ‘yun? Nasanay kasi akong ang hitsura n’ya e sunog na sunog sa araw at balot na balot ang katawan kapag lumalabas sa TV. Kanina naka-shirt lang s’ya at maong na pantalon. Medyo pumuti na rin ang balat n’ya, hindi na ‘yung sunog o mamula-mula.

Kundi pa s’ya ininterview ng dumating na TV crew ng GMA7, di ko pa s’ya makikilala. At buti na lang hindi ako nakapag-isip ng masama sa kanya. Buti hindi umiral ‘yung pagka-judgmental ko kanina.

Instinctive pa naman na kapag ganyang may kino-cover ako, talagang inoobserbahan ko ‘yung mga tao at gumagawa ng judgment sa utak ko. Feeling ko nga evolutionary aspect ng human beings ang manghusga e. Parang survival mechanism nila ‘yon. Anyway, hindi ko naman jina-justify ang pagiging judgmental ko. Sinasabi ko lang.

Start na ng launch. Umiral naman this time ‘yung inggit ko. Eto kasing si Garduce e parang ewan lang. Sobrang simple. Walang ere sa katawan. To think na anlaki-laki ng na-accomplish n’ya for himself at para sa bansa. Galing lang. E ako? Wala. Nagsusulat lang ng kung anu-ano. Ang pinakamataas na bundok pa lang na naakyat ko e Mt. Pulag. Ambangeg trail pa ‘yon, ‘yung pinakamadali. Boo!

Hanga talaga ako sa mga taong kahit mataas na ang narating e down to earth pa rin. Si Garduce, literally at figuratively na mataas na ang narating, pero literally at figuratively na down to earth pa rin s’ya. How I wish na makagawa rin ako ng isang bagay na magiging proud ako at ang sambayanang Pilipino. At wish ko rin na sana magkaroon ako ng sariling libro.

Naunahan pa ‘ko nitong isang mountaineer na hindi naman talaga writer. Boo!

Image