Okay lang ako

by Sankage Steno

Isang madaling-araw, naalimpungatan ako.
Agad kong kinapa ang cellphone sa kama.
Nang magliwanag, nakita ko ang mensahe mo.
Bigla akong nagising sa aking nadama.

Huminga ako nang malalim bago pumindot.
Tinitigan ko ang mga itim na titik sa harapan.
Sa dibdib ko ay may kung anong kumurot.
Ang iyong mga sinabi ay di ko inasahan.

Bumagsak ang cellphone mula sa aking kamay.
Napatulala ako sa madilim na kisame.
Itnuring ang anino bilang nag-iisang karamay.
Wala akong nagawa kundi magpakalalake.

Pumikit ako at muling naghanap ng tulog.
Sa karimlan ay ipinaghele ko ang sarili.
Hindi makuhang sa panagimpan ay mahulog.
Inisip ko na lang na ikaw ay katabi.

Ang pigilan ang sarili ay di ko makaya.
Muli ko na lang binasa ang sinabi mo.
Ilang buwan akong sa iyo ay nag-alala.
Ang tangi mong nasabi ay “Ok lng aq.”