Hotel Secrets

by Sankage Steno

Masarap tumira sa hotel. Sino ba namang may ayaw sa magandang room na may 24/7 service at pagkaing napakaraming choices? Sa dami ng mga napuntahan kong hotel, may mga naging favorite na ‘ko, pero hindi ko sasabihin kung anu-ano ‘yon. Ang sasabihin ko ngayon ay ‘yung mga nasagap kong kwento mula sa mga taong nakakasalamuha ko sa trabaho at personal na buhay.

Very trivial lang naman ‘tong sasabihin ko, and I don’t intend na siraan ang hotel industry. As if naman. Gusto ko nga silang i-push dahil andaming nabibigyan ng trabaho sa ganyang industriya. Pero kahit anong industriya pa ‘yan, syempre di mawawala ang mga lihim.

Unang Lihim. Ayon sa aking sisteret na dating nagtrabaho sa hotel, maliit lang daw ang sweldo ng karamihan sa trabahador du’n. What’s new? Ang malaki raw e ‘yung service charge na pinaghahatian nilang lahat. Du’n sila bumabawi. Madalas nga raw, mas malaki pa sa sahod nila ‘yung nakukuha from the service charge.

That does not mean na huwag na tayong magbigay ng tip o alilain ang mga trabahador du’n. Deserving naman sila sa perang ‘yon, considering na may pasok sila kahit holiday at kahit nagugunaw na ang mundo.

Ikalawang Lihim. Gaya sa maraming restaurant o fast food chain, lahat ng sobrang pagkain sa hotel e tinatapon lang sa basurahan at the end of the day. What? Oo, isang malaking what talaga. Sabi ko sa sisteret ko, bakit di na lang i-donate sa charity o sa ampunan?

Sagot n’ya, ginagawa na raw dati ‘yon. Ang kaso, may na-food poison sa isang ampunan. Ayun, nakasuhan pa ‘yung hotel. Simula noon, hindi na pinamimigay lahat ng sobrang pagkain sa hotel. Tapon na lang. Pero sayang pa rin talaga!

Ikatlong Lihim. May mga multo sa hotel. Wala akong pakialam kung naniniwala ka o hindi sa multo. Ito lang naman ang sabi sa akin ng isa ko pang sisteret. Kaibiganin mo ang ilang staff sa hotel at magpakwento ka. For sure, laging meron silang masasabi na ganyan.

Sa dinami-rami ba naman ng kwarto at suluk-sulok sa hotel, hindi nga naman malayong pamahayaan ng ibang entities. Sosyal na mga multo, naka-hotel pa. Mabuti na lang at sarado ang third eye ko. Although natatakot nga ako lagi kapag mag-isa lang sa kwarto.

Ikaapat na Lihim. Ang multo raw ay “energy,” pati na rin ang soul. At dahil nagke-create ng energy ang tao, naiiwan ito kahit patay na sila. Anong kinalaman nito sa hotel? Well, sabi ng aking sisteret, ang mga hotel daw sa Pilipinas ay paboritong harakiri house ng mga Hapon.

Ibig sabihin, maraming Hapon ang dumadayo sa Pilipinas, magche-check in sa hotel, at saka magpapakamatay. Ginagawa nila ‘to kapag nalugi ang negosyo o may ginawang nakasira ng kanilang honor, etc. Hindi lang daw nababalita kasi tinatago talaga ng hotel. Media blackout, ika nga. Patago na lang nilang “nililinis” ‘yung bangkay. Kaya siguro may multo rin sa ilang kwarto.

Ikalimang Lihim. Hinuli ko talaga ‘to para hindi dark ang ending. Ayon sa aking sisteret, ang isang sikat na hotel daw ngayon ay may “shifting” na nangyayari pagdating sa pag-hire ng tao. Pinipili nila ngayon ‘yung hindi matatangkad, unlike before na gwapo/maganda at matatangkad lang ang natatanggap.

Ang dahilan, nai-intimidate daw kasi ‘yung ibang customer kapag nakikitang mas matangkad at mas gwapo/maganda pa sa kanila ‘yung serbidor/serbidora nila. Kaya ang ginawa ng hotel na ‘to, nag-hire sila ng mga taong 5 feet lang or less. Subukan n’yong tingnan ‘yung taong sasalubong sa inyo sa hotel nang malaman n’yo kung alin ‘yung tinutukoy ko.