Tumira sa Tent

by Sankage Steno

Tumira, meaning live. Hindi ‘yung ibang klaseng tira, although pwede rin naman ‘yon. Napukaw lang kasi ‘yung imahinasyon ko kanina matapos makita ang front page ng Philippine Daily Inquirer.

Nasa loob kasi ng isang tent si Pangulong Noynoy at du’n s’ya nagpalipas ng gabi nang muli s’yang pumunta sa Bohol para tulungan ang mga nasalanta ng lindol do’n. PR work man ‘yon o hinde, malaking bagay pa rin na makita mo ang pangulo sa isang tent.

May kasama pa ‘yung balita na ang sabi e it reminded him daw ng kanyang Boy Scouts days noong kabataan n’ya. Fine. Buti pa sila nakapagganu’n. Hindi ko kasi naranasang maging isang boy scout. Wala kasing ganu’n sa school namin. O baka hindi lang talaga ako interesado noon.

Sa kabundukan

Pero nakapag-stay na ‘ko sa tent. ‘Yun nga lang, isang gabi lang. Nagawa ko s’ya nang umakyat ako sa Mt. Pulag kasama ang tatlo pang kaibigan two years ago. Hindi ko makakalimutan ‘yung pahirap na experience na ‘yon. Muntik na ‘kong mapaiyak sa tindi ng hirap, pero hindi ako umiyak, pramis!

Inasahan ko naman na hindi komportable matulog sa tent. Ang hindi ko inasahan e ‘yung sobrang lamig na temperatura sa itaas ng bundok. Akala ko sapat na ‘yung apat na patong ng jacket at shirt ska dalawang patong ng pantalon at pajamas. I was wrong.

Idagdag mo pa na nu’ng araw na ‘yun e maulan. Umakyat kasi kami noong May, e halos tag-ulan na noon. ‘Yung tent namin e tumutulo pa. Anlamig-lamig na nga dahil sa hangin, dinagdagan pa ng tubig. Pamatay talaga. Hindi ko nga alam kung pa’no ko nakuhang matulog no’n e, kung tulog mang matatawag ‘yun.

Milo

Para maibsan ang ginaw, bumabangon kami at nagsisindi ng portable na kalan. Tapos ‘yung baon naming tubig e pinakuluan namin at tinimplahan ng Milo. Sa sobrang lamig, kahit bagong kulo pa e iniinom na namin. Wala na kaming pakialam kung malapnos man ‘yung dila at labi namin. Halos idikit na rin namin sa apoy ‘yung aming kamay para lang mainitan.

Dahil din sa experience na ‘yon, tuwing makakakita o makakaamoy ako ng Milo, bumabalik lahat ng paghihirap na dinanas ko du’n. Naaalala ko talaga. Medyo nakaka-miss din. Parang masarap din pahirapan ang sarili paminsan-minsan.

Masokista lang.

Laking pasasalamat ko pa rin sa tent na nabili ko for only P900. Kahit hindi man s’ya nakapagbigay ng init, nailigtas naman nito kami sa malakas na ulan at hangin. Sana magamit ko ulit s’ya sa susunod kong travel. Sayang kasi, nakatambak lang sa bahay namin. Baka kapag nag-Calaguas ako o Caramoan, magamit ko na s’ya ulit.

Ibang experience pa rin kasi ang tumira sa tent. However, ibang usapan na kung permanente. ‘Wag naman ganu’n. Wish ko talaga ngayon e mabigyan ng bagong bahay ‘yung mga kababayan nating nasira ang bahay dahil sa lindol. Tulong-tulong din ‘pag may time.

Ikaw, nakatulong ka na ba?