Payapang Batisan

by Sankage Steno

Dahil walang pasok ngayon, nasa probinsya ako at “nagpapahinga.” Kanina, pumunta ako sa bayan para makipagtagpo sa isang kakilala na may kukunin sa akin.  Sa simbahan ang napagkasunduan naming tagpuan. Nauna akong dumating kaya naman, as usual, naghintay ako ng ilang saglit.

Habang nag-aabang, napagpasyahan kong pumasok muna sa simbahan. Saka ko lang naalala na matagal na panahon na rin pala akong hindi nagsisimba. May galit pa rin kasi ako sa mga taong nagpapatakbo ng simbahan kaya, bilang ganti, hindi ako nagsisimba. Wala naman akong pagsisisi. Actually, it’s liberating.

Medyo madilim sa loob ng simbahan. Kakaunti pa lang ang tao. Gusto ko s’ya. Mas maganda para sa ‘kin ang simbahan kapag walang laman. Kitang-kita ko ang laki n’ya at dinig na dinig ko ang katahimikan. Ang sarap tumambay. Ang sarap ding magmuni-muni lang. Napaisip tuloy ako nang medyo malalim.

Dantaon

Naisip ko na maswerte pa rin ang simbahang ‘to dahil hindi napinsala ng lindol. Ano na lang kaya ang mangyayari kung sa amin tumama ang lindol na tumama sa Bohol? Nakakatakot. Nakakalungkot din dahil ilang daang taon na itong mga istrukturang ‘to. Sana lang gamitin ng simbahan ang yaman nito hindi lang para tulungan ang mga mahihirap kundi para patibayin din ang mga lumang pook-dalanginan.

Mahirap na. Baka kung kelan may misa e saka pa lumindol. Marami ang mamamatay. Ayaw ng Diyos n’yan.

Nagpasalamat naman ako sa Diyos dahil buhay pa ‘ko. Humiling din ako ng ilang bagay. Tapos nu’n, lumabas na ‘ko. Baka kasi masunog pa ang kaluluwa ko sa impyerno. Pinili ko na lang maghintay sa ilalim ng isang malaking puno na, tingin ko, e sandaang taon na rin ang edad. Grabe, kung makakapagkwento lang ‘tong mga bagay na ‘to. Dami ko sigurong malalaman. Andami kong rin mailalagay sa blog.

Mas nagustuhan ko ang simoy ng hangin sa lilim ng puno. Kung sa loob ng simbahan e madilim at masarap magnilay, nakaka-inspire naman ang pakiramdam sa may puno. Ewan, baka dala lang ng pagiging maarte ko. Basta na-enjoy ko ‘yung pag-stay ko roon kahit sandali lang. Hindi ko kasi nagagawa ‘yun sa mga lilim ng building sa Maynila.

Asa pa ‘ko.