Pustahan tayo, o?

by Sankage Steno

Ipupusta ko ang 13th-month pay ko ngayong taon para kay Ariella Arida. Malakas ang kutob kong s’ya ang mananalong Miss Universe 2013, mga nasa 99.9 percent. Parang ‘yung pagpatay lang sa germs ng Safeguard. Ganu’n ako ka-sure.

Ngayon lang ako pupusta sa beauty pageant. Dati kasi sa pusoy dos, sakla at ending lang ako tumataya. Sama mo na rin ‘yung jueteng at lotto. Iba lang talaga ang vibrations ko sa babaeng ‘to. Parang magnitude 7.2 ang yanig n’ya. Imba levels.

Tingnan mo naman, pangalan pa lang, palung-palo na. Ariella Arida. May alliteration. Tama ba ‘yung figure of speech ko? A basta, ganu’n. Nagra-rhyme sa unahan. Di hamak naman na mas magandang pakinggan ‘yung name n’ya kumpara kay Janine Tugonon at Shamcey Supsup.

Pero Venus Raj is still a winning name.

Bukod sa pangalan, obvious namang maganda si ateng. Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Tingnan mo na lang ‘yung official photos n’ya sa balitang ito ng Rappler. Tinatanong ko nga sa ka-office kong graphic artist kung photoshopped ‘yung mga larawan. Oo raw. Pero kahit na! Ang ganda pa rin, pramis.

Next, napansin mo ba na sa huling tatlong Miss Universe pageants, laging nasa top 5 ang Philippines at pataas nang pataas ang place? Muntikan na nga last year, kaya nasisiguro kong sa Pilipinas na talaga ang korona ngayong taon sa maniwala ka man o sa maniwala ka naman, please.

Panalo rin ang tigas sa pananalita ni Ariella. Maraming nagsasabing ampangit n’yang magsalita at hindi s’ya magaling mag-English. Para sa ‘kin naman, maganda ‘yun sa pandinig ng mga native English speakers. Ang paniwala ko, adorable sa kanila kapag ang isang non-native English speaker na may matigas na accent e nagta-try magsalita sa wika nila.

Natutuwa rin naman tayo sa mga foreigner na pilit nagtatagalog, di ba?

Finally, alam kong si Ariella ang mananalo dahil babawi ang bumubuo ng Miss Universe sa Pilipinas. Bakit? Kasi last year dapat Philippines ang nanalo. Kita naman sa sagot ni Janine na mas magaling s’ya kumpara kay Miss USA. Pinagbigyan lang ‘yung huli.

Nangyari na ‘to sa Miss Japan dati. Parang this year, s’ya dapat nanalo pero naging runner-up lang. Kaya nu’ng laban the year after, ipinanalo ang Japan kahit di naman kagandahan at pangit ang sagot sa Q&A. E kahit naman walang ganitong “prejudice,” anlakas ng laban ni Ariella.

Kaya pupusta talaga ako sa babaeng ‘to. Sino handang magtaya ng Christmas bonus nila d’yan, o?