Magandang Umaga, Shit

by Sankage Steno

Nagising ako sa mga huni ng ibon. Ang sarap lang sa pakiramdam. Sobrang layo nito kung ikukumpara sa Maynila na mga busina ng bus at kotse sa EDSA ang gumigising sa ‘kin. Paminsan-minsan talaga dapat bumabalik sa probinsya para lasapin ang simpleng buhay.

Dahil maganda ang gising ko ngayon, naisip kong magiging maganda rin ang buong araw ko. Baba ako sa kusina para mag-almusal. Dinampot ko ang dyaryo para tingnan ang mga balita. Ayun, nawala na ‘yung magic ng mga huni ng ibon kanina. Napalitan na agad ng sandamakmak na bad news.

Unang tumambad sa ‘kin ‘yung unclosed case ni Stephanie Nicole Ella, ‘yung batang napatay ng ligaw na bala sa Caloocan City nitong nagdaang Bagong Taon. Mag-iisang taon na at hindi pa rin nahuhuli ‘yung nakapatay sa kanya. Pa’no ka ba naman matutuwa n’yan?

Tapos sa baba nu’n e nabasa ko naman ‘yung nangyaring pamamaril sa airport sa Los Angeles. Pang-ilang pamamaril na ba ‘to sa Estados Unidos ng isang lalaking may sakit sa pag-iisip?

Hindi ko alam kung dapat bang sisihin ang mental illness nila o ‘yung sobrang daling pagkuha ng baril sa kanilang bansa. Feeling ko ‘yung pangalawa. Kasi kung wala ka namang makukuhang baril, wala ka ring maipampapatay kahit pa tuluyan kang mawala sa sarili. Kutsilyo? Not as deadly.

At ito ang pinakahindi ko nagustuhan sa mga balita. Alam mo ba ‘yung kaso ng mga Somali pirates? Ilang Pilipinong marino na rin ang na-kidnap ng mga piratang ‘to. Alam mo ba kung magkano na ang kinita ng mga ‘to sa pamamagitan ng ransom money? Ayon sa report ng United Nations Office on Drugs and Crime, World Bank at Interpol, ang total na kinita nila ay hindi bababa sa $339 million.

Naalala ko tuloy sina Luffy at ang One PIece. Baka nasobrahan sa panonood ng anime ‘yung mga piratang ‘to. Pero ang pinakamabigat na impormasyon sa balitang ‘yan e kung sa’n napupunta ‘yung mga perang ‘yon. Sa maniwala ka man o hindi, ang karamihan ng perang nakukuha nila sa ransom ay hindi napupunta sa mga pirata kundi sa kanilang mga financier.

In other words, may mga taong ginagawang negosyo ang pamimirata at empleyado lang nila ang mga totoong piratang sumasalakay sa mga barkong pangkomersyo. Sabi sa balita, less than 0.1 percent lang ng $339 million ang napupunta sa mga pirata. The rest ay du’n sa nagpapasweldo sa kanila napupunta.

Hindi ko alam kung maiinis ako sa dami ng kasamaan sa mundo o sa mga nagsusulat ng balita na puro masasama na lang ang nakikita. Pati tuloy ako e puro masasama na lang ang nababasa. Sa tingin ko both, pero mas lamang ng kaunti ‘yung una.

Mabuti na lang at kakatapos lang ng Undas. At least, alam kong sa bandang huli, lahat ng masasamang taong ‘to e iisa lang ang patutunguhan. Wish ko lang na ‘yung paraan ng pagkamatay nila e matumbasan ang kasamaang idinulot nila sa mundo.

Parang karma, what goes around comes around. In Christian terms, what you sow is what you reap. O para sa mga non-religious, parang Newton’s third law of motion: For every action, there’s an equal and opposite reaction.