Pulis Ako

by Sankage Steno

May mamang sumunod sa ‘kin pagkasakay ko ng bus. Nangyari ‘to kahapon ng umaga habang papasok ako sa opisina. Mabilis lang ‘yung mga pangyayari pero medyo tumatak talaga sa utak ko.

Pagkaupo ko sa may aisle seat, hindi pa nakakalayo masyado ‘yung bus e bumaba na agad ‘yung lalaking kasunod kong sumakay. Dahil nasa may aisle ako at makitid ang daanan, nabangga n’ya ‘yung kaliwang balikat ko. Saktong paglagpas n’ya, nakita ko kung ano talaga ‘yung bagay na tumama sa ‘kin.

Baril.

Hindi ko alam kung caliber .40 o .45 ‘yung dala nu’ng mama. Nakasuksok kasi, ta’s ambilis pa ng paglakad n’ya palabas kaya di ko masyadong natitigan. Ang nakakapagtaka lang bukod sa naka-display n’yang baril e ‘yung mga galaw at sinabi n’ya habang papalabas ng bus.

“Ano pong problema?” tanong ng konduktora.

“Pulis ako,” sagot ng mama. Hindi s’ya nakauniporme at wala rin s’yang ipinakitang badge. Basta sinabi lang n’ya.

Sa loob-loob ko, bakit n’ya kailangang sabihing pulis s’ya e tinatanong lang naman s’ya kung ano ang problema.

“Wala dito ‘yung hinahanap ko,” dugtong pa nu’ng mama.

Agad naman s’yang pinagbuksan ng pinto ng driver kahit pa bawal bumaba sa binabaan n’ya. Napaisip ako bigla kung talaga bang pulis s’ya at may hinahanap na tao o baka may modus lang na hindi nasunod kaya minabuti na lang n’yang bumaba at humanap ng ibang bus.

Masyado kasing pampelikula ‘yung galaw ng lalaki, parang ‘yung mga action films noong 1990s. Kahit nga ‘yung suot n’ya hawig na hawig sa style ni FPJ. Very action star lang ang peg. Siguro kung bigotilyo pa s’ya, iisipin ko na talagang kontrabida s’ya sa isang pelikula.

“Nakakatakot ‘yung mama,” sabi bigla ng konduktora habang nangongolekta ng bayad. “May dala pang baril.”

Ngumiti ako pagkalingon ko sa kanya. “Pulis daw s’ya, sabi n’ya.”

Maraming sinabi ‘yung konduktora na hindi ko na maalala exactly, pero patungkol ‘yon sa style ng mga magnanakaw. May nabanggit s’ya na may tao raw sila sa likuran na parang bantay. ‘Yung mama raw na may baril e karaniwang nambibiktima sa may Ayala, kapag pababa na ‘yung sakay na natiktikan.

Hindi na ‘ko sumabat. Ayoko na rin namang pag-usapan ‘yung lalaking may baril. Hindi talaga ako komportableng makakita ng armas kahit pa nagagandahan ako sa kanya. Para sa ‘kin, sa TV at sinehan lang s’ya dapat, hindi sa totoong buhay.

Kung nagkataong nagbabalak ng holdap ‘yung mamang ‘yun, hindi ko alam kung pa’no magre-react. Ibibigay ko ba lahat ng gamit ko? Ilalaglag ko ba ‘yung cellphone ko gaya ng sabi ng kaibigan ko para hindi ‘yon makuha? Magmamakaawa ba ‘ko at sasabihing kakaholdap lang sa ‘kin nu’ng isang araw kahit hindi naman?

Ewan.

Although nasasabik ako sa adrenaline rush ng ganu’ng pangyayari, hindi ko naman pinapangarap ang manakawan o matutukan ng baril. Jusme, lagi na nga akong nananakawan at nawawalan ng cellphone. Hindi ko naman gustong maging hobby s’ya.

Mas gugustuhin ko pang manakawan ng halik.

Peste. Sa’n nanggaling ‘yun?