Amorsolo Pala ‘Yun

by Sankage Steno

Ngayon ko lang nalaman na si Fernando Amorsolo pala ang nagpinta ng mga portrait ng presidente ng Pilipinas na nasa postcards at mga libro sa Sibika at Kultura. Ang tanga-tanga ko lang. Andami ko pa talagang di alam. Kainis.

Nakausap ko kasi kanina ‘yung anak n’ya kanina para sa ginagawa kong istorya. Bukod sa pagiging anak, s’ya rin e naging apprentice na magaling na pintor at kauna-unahang National Artist ng bansa. Kaya naman medyo marami akong nalaman tungkol kay Amorsolo.

Habang hawak ang coffee table book na nilikha nilang mga naiwan ni Amorsolo, ikinwento n’ya ‘yung mga nakaraan ng kanyang tatay, kasama na syempre ‘yung libu-libong masterpieces nito. Sobrang prolific daw kasi nitong si Amorsolo, at kung susumahin, baka nasa humigit-kumulang 40,000 daw ang total ng paintings, sketches, illustrations, etc. nito.

Nahiya naman ako bigla sa araw-araw kong pagba-blog.

Pero, at the same time, lalo akong ginanahang magsulat. Kailangan bago ako mamatay e mahigitan ko ‘yung 40,000 na ‘yun. Ang hindi ko lang maipapangako e kung kasingganda rin ng mga gawa ni Amorsolo ang mga isusulat ko. Libreng mangarap, bakit ba?

Painter din itong anak na nakausap ko, at tadtad ng mga gawa n’ya ‘yung bahay nila. Sa kasamaang palad, isa lang ‘yung totoong painting ni Amorsolo ang nakita ko roon, at portrait pa mismo nu’ng anak n’ya. Ang ginawa ko, kinumpara ko ‘yung gawa ni Amorsolo sa gawa ng anak n’ya.

Bumula bibig ko sa utak.

Ganu’n pala ang gawa ng isang genius. Grabe, kitang-kita sa malapitan ‘yung sobrang pinong brushstroke na parang sa sobrang gaan ng kamay e iisipin mong printed s’ya from a computer. Nu’ng tiningnan ko ‘yung gawa ng anak, maganda rin naman, pero hindi ganu’n kapino ‘yung strokes. Anlaki ng difference kapag tinignan mo nang malapitan.

Amazing.

Ito ‘yung sinasabi kong gawa ni Amorsolo. Pasensya na sa kuha ko at madilim ‘yung lugar. Medyo panakaw din ‘yan dahil nagmamadali ako. Hindi mo nga lang makikita rito kung ga’no kapino ‘yung pagkakapinta, pero sana makakita ka sa totoong buhay ng painting n’ya para ma-feel mo rin ‘yung na-feel ko.

Nakakainis lang na marami sa memorabilia at paintings ni Amorsolo e nawawala, ninakaw at pineke. Mismong National Museum pa natin ang “nakawala.”

Baka pinagkakitaan pa ng mga tao roon. Hindi naman kasi bababa sa isang milyon ang halaga ng tunay na painting ng National Artist na ‘to. Isa rin ‘to sa mga dahilan kung bakit maraming namemeke.

Pero sabi ng anak na nakausap ko, s’ya mismo ang makapagsasabi kung peke o hindi ang isang painting ni Amorsolo. Dahil sa naging apprentice nga s’ya ng ama, alam na alam n’ya ang gawa nito, pati na rin ang mga kwento sa likod ng mga obra maestra ni Amorsolo.

Nagbigay s’ya ngayon ng ilang paraan kung pa’no n’ya nalalaman na ang isang painting e tunay o fake.

  • Color – Alam daw n’ya ang tamang kulay na ginamit ng kanyang tatay sa mga painting kahit pa lumipas na ang mahabang panahon. Iba raw kasi ang tingkad o pusyaw ng kulay ng original.
  • Transparency – Nasa light and shade daw ng isang gawa makikita kung authentic o hindi. Halimbawa, iba ang pagkapula ng peke sa pagkapula ng original. Kilalang-kilala syempre ng anak ang gawa ng tatay n’ya.
  • Materials – Iba-iba ang paint at paintbrushes ng mga artist, at makikita raw sa gawa kung ano ‘yung resulta ng materyal na ginamit at kung pa’no ito ginamit. Medyo malabo sa ‘kin ‘to pero gets na siguro ‘yun ng mga tunay na painter at collector.
  • Brushstroke – Ito raw talaga ang madalas na defining moment para malaman kung totoo ang isang Amorsolo painting. Sabi ng anak n’ya sa ‘kin, “They can copy Papa’s work, but not his strokes.” Ako na mismo ang makakapagpatunay na ibang klase ang stroke ni Amorsolo. Kahit ang gawa ng anak n’ya mismo, hindi ito kayang pantayan.

Nakakalungkot talaga na marami sa mga gawa ni Amorsolo ang nawawala at nasira na. Sana naman may tumulong sa pamilya nila para maipatayo ang pinapangarap nilang museum para sa unang National Artist ng Pilipinas.

Marami na raw kasi silang nilapitan na kumpanya, pati ahensya yata ng gobyerno, pero wala raw talagang gustong mag-ambag ng pera para maisakatuparan ito. E wala rin naman akong malaking pera para tulungan sila. Ni hindi nga ako makakabili kahit frame ng painting ni Amorsolo e.

Tae lang.

Kung gusto mong makatulong o may kilala kang makakatulong, pwede mong tawagan ang (632) 559.2885, mag-fax sa (632) 712.1202, bumisita sa site na ito (www.fernandoamorsolo.org) o mag-email sa sylvialazo@yahoo.com

Pwede ka ring bumili ng coffee table book ni Amorsolo worth P8,000. Same contact info sa taas. Eto itsura n’ya. Pasensya na ulit sa kuha ko. May kasamang nginig pa ‘yan at siraing camera.