The Filipino spirit is not strong…

by Sankage Steno

…wala lang talaga tayong choice.

Sorry for being a bit uncouth, insensitive at KJ, pero hindi ako naniniwalang water-proof o stronger than any typhoon/earthquake ang Filipino spirit. Siguro dahil hindi tayo ‘yung nabiktima kaya nasasabi natin ang ganitong mga kapositibong bagay. Let’s get real.

Totoong laging hinahagupit ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan, gyera, bakbakan ang bansa natin. An average of 20 typhoons yearly, ring of fire, conflict sa Mindanao, lahat na inangkin natin. Totoo rin namang kahit namatayan o nawalan ng bahay e bumabangon pa rin ang mga Pilipino. Madalas nga nakukuha pang ngumiti. This is all so inspiring, pero subukan mong ilagay ang sarili sa sitwasyon ng mga biktima.

Kung makakaya mong ngumiti, sige, I’ll give you that. I-post mo sa Facebook timeline mo ‘yung comment ng CNN about Filipinos. Pwede mo na ring sabihing strong nga ang Filipino spirit. Gumawa ka pa ng nakakatawang meme kung gusto mo. Nakaya mo e. Ang galing mo. Yes!

Dahil sobrang dalas tayong pahirapan ng kalamidad, man-made man o natural, iniisip nating ang lakas na natin. Ewan ko ha. I’m not a sociologist o anthropologist, pero feeling ko ‘yung ganitong pag-iisip humahantong sa pagiging pabaya e. Naaabuso rin tayo ng gobyerno. Kesyo kaya naman natin, bakit pa pag-iigihan ang pagtulong sa publiko? Bakit pa gagastusin ang tax sa pagpapatayo ng matitibay na gusali? Wag na uy! Resilient naman tayo e.

Sa kaiisip nating malakas tayo, kinakalimutan nating dapat nating singilin ang gobyerno. Nawawala sa isip nating dapat nagpagawa sila ng matibay na kalsada, ng maayos at ligtas na mga poste at kable ng kuryente, ng pulidong mga paaralan at ospital, ng mabilis na sistema ng komunikasyon, at iba pang basic services.

Tingin kasi natin, porke nakangiti, ayos na ang lahat. Na kakayanin na ang mga susunod na araw na naulila ka o nawalan ng matitirhan o naubusan ng pera. Hindi lahat ng ngiti ay nangangahulugang masaya ang isang tao. Maraming ngumingiti para lang pagtakpan ang sakit at hirap na kanilang dinaranas. It’s a coping mechanism. Kung ang tingin mo du’n e strong spirit, fine, sige, tawagin mong ganu’n.

Ang tawag ko du’n e maskara.

It’s a call for help. SOS. Saklolo. Wala na akong ibang mahingan ng tulong. Walang kwenta ang pamahalaan. Sa panahon ng kagipitan, sarili lang ang madalas maaasahan.

Sa paulit-ulit na sakunang tumatama sa Pilipinas, hindi pa ba tayo nagsasawa? Ganu’n at ganu’n din ang lumalabas na balita. Alam kong mahirap kalabanin ang kalikasan lalo na ‘pag galit ito, pero siguro naman pwedeng makaligtas kung maayos lang ang mga gusali, disenyo ng komunidad, pati na rin ang paghahanda sa ganitong mga bagay.

Aasa na lang ba tayo lagi sa inspirational words? Sa mga tulong ng pulitiko kung kelan namatayan na tayo? Sa station ID ng mga media at sa mga hotline nilang sinasagot ng mga artista? Sa paniniwalang matibay, matatag at malakas tayo? Ganu’n na lang ba lagi?

Hindi ba pwedeng sa susunod na may mangyaring ganito, ngingiti tayo habang sinasabunutan ang reporter na nagpapaka-superhero sa pag-ulat ng mga namatay? O kaya e tumatawa habang kinukuyog ang mga pulitikong nagnakaw ng pondo ng bayan para sa mas maayos na lokalidad? Tama na ang pagkamartir. Dapat naniningil na tayo sa mga nagkulang at nagkasala.

Kapag nangyari ‘yon, maniniwala na ‘kong the Filipino spirit is strong. Pramis.