My God, ang sakit

by Sankage Steno

It pains me na nakaupo lang ako sa harap ng computer dito sa office habang ‘yung mga tao sa Visayas e walang makain, mainom at matirhan. Ang sakit lang na nakikita mo silang naghihirap. Mas masakit na wala akong magawa mula rito.

Kung sasabihin mo sa ‘king umalis sa kinalalagyan ko ngayon at tumulong sa relief operations, don’t worry. Gagawin ko ‘yan. ‘Yung pagdo-donate, nagawa ko na. I won’t tell you how much. Hindi ako mayaman. ‘Yung pagdarasal, check. ‘Yung pakikidalamhati, ongoing.

Pero kahit ano pang mabubuting bagay ang gawin ko ngayon, ang hirap isipin na hindi na maibabalik ‘yung mga nawalang buhay. Ni hindi ko nga kayang itayo ulit ‘yung mga nasirang bahay. Kahit pagbibigay ng first aid, hindi ko magagawa.

Nakakainis ‘yung pakiramdam na ‘to.

I was wrong sa nasabi ko two blogs ago. Kahit ano yatang preparation ang gawin sa ganitong klaseng bagyo, sigurado pa ring marami ang mamamatay at malaki ang mapipinsala. Although I stand firm  sa paniniwalang sana talaga e natututo tayo collectively sa taun-taong pananalasa sa ‘tin ng mga bagyo.

For starters, ito ‘yung nakolektang impormasyon ng Rappler para sa mga paraan upang makapag-donate at makatulong.

Sa gobyerno naman, lalo na kay PNoy, kalma lang. ‘Wag isip-bata. Nabasa ko ‘yung balita sa pagwo-walkout diumano ng presidente natin. Tama na muna ang drama. I suggest mag-declare ka ng state of emergency. Alam ko namang hindi ka papayag sa “regional” martial law e.

Kailangan ng state of emergency para mapabilis ang pagpapadala ng mga sundalo sa mga nasalantang lugar. Kailangan din ‘yon para makapaglabas ng perang makakatulong sa mga biktima ni Yolanda. Alam ko namang hindi kukurakutin ni PNoy ‘yung mga perang ‘yon. Ewan ko lang sa local level.

Sana naman walang manamantala.

Anlakas lang talagang maka-guilty nitong “comfort” na nararamdaman ko ngayon. Pero mas malakas pa rin ang paniniwala kong makakabangon ang mga nasalanta ng bagyo. Hindi na bago sa mga Pilipino ‘yon. Ang worry ko lang e kapag naulit ang ganito in the near future.

Hindi ko na kailangang maging Nostradamus para mahulaan ‘to. Sure akong magkakaroon ulit ng supertyphoon sa hinaharap. Isama mo na rin ang malalakas na lindol. Ang ayoko lang maulit e ‘yung ganito kalaking damage sa buhay at ari-arian ng mga Pilipino.

Ang sakit kasing maging helpless.