Bahaynihan

by Sankage Steno

Huwag naman sanang mauwi sa pagiging squatter ang libu-libong pamilyang na-displace ng bagyong Yolanda sa maraming parte ng Visayas at Palawan. Hindi malabong mangyari ‘to, lalo pa ngayong relief and recovery operations pa lang e hirap na hirap na ang pamahalaan.

Paano pa sa rebuilding at rehabilitation ng mga lungsod at bayan sa Gitnang Pilipinas? Bukod sa malaking halaga at effort, ilang taon din ang bibilangin para maitayong muli ang mga komunidad na sinira ng bagyo. Hindi ako kumpyansang matutugunan lahat ng pamahalaan ang pangangailangang ito.

Malaki ang chance na makalimutan ito ng ilang pulitiko (o Pilipino) kapag nawala na ang media coverage, which will surely happen in the near future o kapag may ibang malaking balitang pumutok. I’m guessing by mid-January, baka wala nang coverage sa mga nasalanta ng bagyo.

Kaya para matulungan ang mga nawalan ng bahay, ito ang naisip kong pwedeng gawin ng mga mas maswerteng Pilipino, mayaman man o mahirap.

1. Adopt a family. Marami sa mga nabiktima ang basta na lamang umalis sa kanilang lugar nang walang pera o plano. Marami rin sa kanila ang walang kamag-anak na mapupuntahan sa Maynila. Bakit di na lang mag-ampon ang ilang maykaya sa atin? Kahit pansamantala lang. Patapusin man lang siguro ang Pasko at Bagong Taon. Mas mabuti kung mas matagal pa. Anong ginagawa ng mga taga-Forbes Park at Dasmarinas Village?

2. GK at HH. Short for Gawad Kalinga at Habitat for Humanity. Ito lang ang dalawang NGOs na alam kong mapapagkatiwalaan sa paggawa ng mga bahay para sa mahihirap. Kung makakapag-ambag tayo ng tulong-pinansyal o sariling lakas sa kahit isa sa dalawa, sigurado akong mas maraming bahay ang maitatayo at mas mapapabilis din ang paggawa.

3. Freeze Interest. Dapat magpautang ang Pag-Ibig (pati mga bangko, kooperatiba, etc.) para sa pabahay ng mga nasalanta ng bagyo. At bilang tulong sa kanila, hindi dapat lagyan ng interest for one year. Bukod pa d’yan, dapat din e bawasan/alisin ang requirements. Pa’no naman makakapaglakad ng papeles ang mga taong ‘to kung lahat-lahat nga e kinuha sa kanila ni Yolanda?

4. Use illegal means. Lahat ng mga nakumpiskang troso mula sa illegal loggers at mga bato o buhangin mula sa mga involved sa illegal quarrying ay dapat ipadala sa mga lugar na apektado para magamit sa pagpapagawa ng mga bahay. I don’t care kung galing ‘to sa masama. Sa halip na pagkakitaan ng mga ganid na indibidwal, mabuti pang pakinabangan na lang ng mga nabagyo.

5. Gwapotel. Gumagana pa ba ‘tong mini apartelle ng MMDA? Alam ko mura lang dito nu’ng panahon ni Bayani Fernando. Pwede sigurong buhayin ulit ‘to ng gobyerno at ipagamit sa mga nawalan ng matitirhan. Huwag na rin silang pagbayarin ng renta for one year or longer. Willing akong mawalan ng tax kung sa kanila naman magagamit.

6. Bliss Project. Pakana ‘to dati ni Marcos, pero sa halip na mapunta sa mga squatters, ibinenta sa mga landlord na sila naman ngayong nagpaparenta sa ibang tenants. Pwede sigurong bawiin ‘to ng pamahalaan o magpagawa ng mga bago at ipagamit sa mga nasalanta ni Yolanda. Dapat ding higpitan ang patakaran dito para hindi maabuso ng kapitalista at panginoong maylupa.

7. Condo Boom. Dahil parang kabuteng nagsusulputan ang mga condominium sa Maynila, bakit kaya di muna ipagamit ng mga developers ‘to sa mga biktima? I’m sure hindi pa lahat sold out, so marami pang units ang available. Pansamantala lang naman ipapagamit. Malay nila, baka bilhin din nu’ng mga biktima if ever makaahon na sila. Win-win ‘yon ‘pag nagkataon.

8. Mayor-domo. Variation ng no. 1 ko sa list na ‘to. Bale lahat ng mayor sa Pilipinas, isama na rin natin ang iba pang pulitiko, ay dapat mag-ampon ng at least isang apektadong pamilya at patirahin sa kanilang bahay. For sure naman marami sa kanila ang hindi lang iisa ang tirahan. Now, kung ayaw nilang patirahin sa bahay nila, magpagawa sila ng bago for them.

9. Pork Housing. Variation naman ng no. 4. Sa halip na ibigay sa mga mambabatas natin ang PDAF o pork barrel fund, gamitin na lang sa pagpapagawa ng mga bahay. To begin with, dapat naman talaga ginamit ‘yon ng mga ganid na pulitiko sa pagpapaunlad, pagpapatibay at pagsasaayos ng mga rural areas. Consolation na lang ‘to kung gagawin nila.

10. Alternatibong Bahay. Creative at resourceful tayong mga Pilipino. Konting level up lang ang kailangan at magagawa nating bahay ang kahit na anong materyales ang nasa paligid natin. Kailangan lang ng konting urban planning at zoning para hindi agawan. For inspiration, ito ‘yung ilang examples ng unique and alternative homes.