Si God at si Yolanda

by Sankage Steno

Isang linggo matapos manalasa ni Yolanda sa mundo, bumalik ang kanyang kaluluwa sa langit upang magbigay ng ulat sa Diyos.

Yolanda: Purihin ang Panginoon. Aleluya! Aleluya!

God: Yoly! Oh Myself! Ibang klase ‘yung ginawa mo sa Pilipinas, a! Grabe. Nakita mo na ba ‘yung epekto ng pagdaan mo du’n ng ilang oras? Record-breaking! Level up talaga!

Y: Opo. Lord. Kitang-kita ko po ‘yung mga buhay na binawi N’yo, ‘yung mga bahay na giniba ko, ‘yung mga puno at posteng pinatumba ko, at lahat ng pwede kong sirain na nasira nga. Sino naman pong hindi makakaalam nu’n?

G: Kaya nga sobrang natutuwa ako. Hindi talaga ako nagkamaling ipadala ka sa Pilipinas. Well, kelan ba ‘ko nagkamali sa mga desisyon ko? Silly me.

Y: Pero, Lord, bakit naman du’n pa sa mahirap na bansang ‘yon? Pwede mo naman akong palihisin ng landas para hindi na ‘ko mag-landfall du’n. Pwede namang du’n sa hindi masyadong matao na lugar. Bakit du’n pa?

G: E kasi nga may gusto akong patunayan. Gusto kong ipaalam sa buong mundo kung ga’no ka-resilient ‘tong mga Pilipino. Kahit anong ibato mo sa kanila, tatanggapin lang nila at papagpagin pagkatapos. Hindi magrereklamo ‘yung mga ‘yun.

Y: Pero…

G: At tsaka alam mo ba? Lalo pang lumakas ‘yung pananampalataya nila sa ‘kin. Kita mo ‘yung mga survivor? Yakap-yakap nila ‘yung mga imahe ko du’n sa lupa. Andami ring nagpapasalamat dahil nakaligtas sila. Alam mo ‘yun? Nagpapasalamat pa rin sila sa ‘kin! Ibang level of faith na ‘yun! Almost katumbas na nu’ng kay Job.

Y: Panginoon, saglit lang. Para naman pong hindi tama ‘yung ginawa n’yo na ‘yun. Hindi N’yo naman kailangang patayin ang mga mahal nila sa buhay, alisan sila ng tirahan at kabuhayan, at pahirapan sila nang sabay-sabay. Hindi mo naman pinagsabay-sabay ‘yung kay Job, di ba? At least ‘yun may konting interval. Napasobra naman po yata kayo.

G: Pinagdududahan mo ba ‘ko, Yoly?

Y: E… ano… di naman po. Nagsasabi lang po ako ng saloobin ko.

G: Pwes! Sarilinin mo na lang ‘yang saloobin mo. Ayokong makarinig ng ganyang kalapastanganan mula sa bibig mo.

Y: Nakaka-guilty po kasi.

G: Bakit ka magi-guilty? E nagawa mo nga ‘yung inaasahan kong gawin mo, di ba? Sinunod mo ang kalooban ko. Dapat kang matuwa. Magkakamit ka ng gantimpala dito sa kaharian ko. Ayaw mo ba nu’n?

Y: Hindi naman po sa ayaw ko. Naisip ko lang po na baka may ibang paraan para maisakatuparan kung ano man po ‘yung gusto n’yong mangyari sa mga Pilipino.

G: Yoly, makinig ka. Hindi ko na uulitin ‘to. Dahil sa pagdaan mo sa Pilipinas, nagkaisa silang lahat ngayon. Lumabas ang kanilang pagiging compassionate at kind at generous. Pati ibang mga bansa, nagkaisa rin para tulungan ang mga nabiktima. At gaya nga ng nasabi ko kanina, lalo pang tumibay ang pananampalataya nila sa ‘kin.

Bukod pa d’yan, marami silang natutuhan. Ngayon, mas paghahandaan na nila ang mga katulad mo na ipapadala ko sa kanila taun-taon. Mababago na ang tingin ng mga tao sa buong mundo sa kalagayan ng kanilang paligid. Lalo na nila itong irerespeto at pahahalagahan. We’re seeing a new world order, Yoly!

Y: Lord naman! Balak N’yo talagang gawing taun-taon ang pagdating ng malalakas na bagyo sa Pilipinas?

G: Correction. Hindi lang bagyo. Pati lindol, pagsabog ng bulkan at tsunami, isasama ko na rin. Pinag-iisipan ko lang kung anong buwan ko ide-delegate ang bawat sakuna. Kung pagsabay-sabayin ko kaya? Tapos i-focus ko sa Manila, Cebu at Davao? What do you think?

Y: You’re crazy, God.

G: I’m going to pretend I didn’t hear what I just heard. Yoly, tatanungin kita ulit. Anong tingin mo sa calendar of calamities ko para sa Pilipinas? Sang-ayon ka ba?

Y: Go to hell.

G: No, Yoly! You go to hell! Lapastangan! Matapos kitang bigyan ng buhay at teribleng lakas, ito pa ang igaganti mo sa ‘kin? Michael! Asa’n ka? Kailangan kita dito. Michael! MICHAEL!

San Miguel: Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo, Panginoong Diyos?

G: Gusto kong ikaw ang maghatid kay Yoly sa pinto ng impyerno. Siguraduhin mong makakapasok s’ya do’n at hindi na muling makakabalik dito. Madali ka. Ngayon din!

SM: Masusunod po.

Y: Power tends to corrupt, and absolute power corrupts absolutely. Great men are almost always bad men.

G: Lord Acton, 1887, sa liham n’ya kay Bishop Mandell Creighton. But sorry, Yoly, I am no man.

Fin.