Hanap-Kwento

by Sankage Steno

Medyo na-disappoint ako sa press conference ng United Nations na pinuntahan ko kagabi. Wala kasing malaking kwento akong nakuha. Nag-update lang sila ng kanilang ginagawang relief effort sa Leyte at Samar. Nahirapan tuloy akong humanap ng magandang anggulo para sa sinulat kong istorya.

Pero natuwa naman ako sa sinabi ni Valerie Amos, UN Relief Coordinator, patungkol sa mga Pilipino. Dalawang beses na kasi s’yang nakapunta sa Tacloban City para i-assess ‘yung nangyayaring pagtulong du’n, at patuloy raw s’yang namamangha sa ipinapakitang lakas ng mga Pinoy.

In her prepared statement, sabi n’ya,

I continue to be struck by the resilience and spirit of the Filipino people. Everywhere I visited, I saw families determined to rebuild their lives under the most difficult situations.

Fine. Kahit nagsasawa na ‘ko sa kakarinig n’yan at medyo naiinis na rin, ayos lang. Basta natutulungan ‘yung mga kababayan kong nasalanta ng bagyo, feel free to patronize us. We love it, actually.

Kung na-bore ako sa presscon nila kagabi, nagi-guilty naman ako sa event na iko-cover ko ngayon. In a few hours kasi, pupunta ako sa Pasay City para tingnan at gawan ng kwento ang isang art exhibit ng isang female artist na napakaraming alam gawin sa buhay.

Hindi ako nagrereklamo at lalong hindi ako tatanggi sa assignment ko. Hindi ko lang maatim gumawa ng ganitong story ngayong naghihirap pa rin ang maraming tao sa Visayas at Palawan. Habang nagsisimula ulit silang buuin ang kanilang buhay, ako naman e magpapaka-artsy fartsy.

Sana lang may relevant na mangyari mamaya sa event. Baka kasi magpaandar lang ‘yung artist, pati ‘yung mga taong dadalo du’n, which is normal lang naman sa mga lifestyle events gaya nito.

At least man lang sana e may i-contribute ‘tong artist na ‘to para sa mga nasalanta ng bagyo. Kahit ‘yun man lang e mabanggit n’ya para may konting social relevance ang exhibit n’ya at ang article na isusulat ko. Wish ko lang naman. Hindi ako namimilit.

Nangangarap pa rin ako hanggang ngayon na makagawa ng isang magandang kwento tungkol sa sakunang ito na tumama sa atin. Gusto ko sana ‘yung kahit simple lang, basta makakatulong sa mga biktima. Umaasa akong bago matapos ‘tong linggong ‘to e makakasagasa ako ng inaasam kong kwento.

Friday, be good to me.