Huwag Nating Kalimutan

by Sankage Steno

Habang naghahanda na ang karamihan sa mga non-government organization, pati na rin ang pamahalaan, although I’m not sure exactly sa plano nila, sa reconstruction at rehabilitation ng mga lugar na nasalanta ni Yolanda, patuloy pa rin ang paghahanap ng hustisya para sa 58 biktima ng Maguindanao massacre.

Bakit ko binabalikan ‘to e hindi na naman “uso”? Well, bukas kasi, Nov. 23, e ikaapat na taong anibersaryo na nito, pero hanggang ngayon e malayo pa ring makamit ng mga kaanak ng biktima ang hustisyang inaasam-asam nila. Ni wala na nga akong naririnig sa progress ng kaso e.

Nasa kulungan pa ba sina Ampatuan?

Hindi ko ma-imagine kung anong klaseng hirap ang dinaranas ng mga naiwan nu’ng 58 pinatay  nu’ng araw na ‘yun. Nawalan ka ng mahal sa buhay, masakit ‘yon. Nawala sila dahil ginagawa lang naman nila ‘yung trabaho nila, mas masakit ‘yon. Nawala sila dahil sa political interest ng iisang angkan na makapangyarihan, napakasakit no’n.

E ‘yung hindi mo man lang makamit ang “paghihiganti” mo sa kanila kahit man lang sa batas? Never mind putting the law into your own hands. Imposibleng gumanti sa ganu’ng paraan kung ang kalaban mo e may sariling private army at kontrolado ang isang buong probinsya, pati na rin ang ilang mahahalagang posisyon sa pamahalaan.

At alam naman siguro nating lahat na napakarami nilang salapi na pwedeng ipambili ng desisyon ng korte o kahit pabagalin man lang ito nang husto hanggang sa makalimutan na ng mga tao.

Hindi man ako ang nabiktima o kahit sino pa sa mga malalapit sa ‘kin, at kahit hindi man ako biniyayaan ng salapi o kapangyarihan kahit man lang kalahati nu’ng sa maysala, gagawin kong panata na ipaalala lagi sa mga tao ang nangyari noong ika-23 ng Nobyembre, taong 2009.

I think it would be better if I just let this photo speak for itself.