Salamat, Idol!

by Sankage Steno

Bumibirit pa ‘ko kahapon sa videoke ng kantang Pagsubok at Mr. Brightside habang binabanatan ni idol Manny Pacquiao si Bam Bam Rios. Ni wala akong kamalay-malay sa nangyayari nu’ng mga panahong ‘yon. Iyon lang yata ang laban ni Pacman na hindi ko napanood.

Partly kasi ayokong makitang matalo s’ya for the third straight time. Pero mas mabigat pa ring dahilan ‘yung existence ng videoke sa party na pinuntahan ko kahapon. Na-realize ko na mas mahal ko pala ang pagkanta kesa kay Pacquiao. I’m so sorry, Manny. I didn’t mean to hurt you.

Nabalitaan ko na lang sa text at kwentuhan ng mga kaibigan/kasama ko du’n sa party. Sobrang natuwa naman ako. Sa loob-loob ko, yes, kahit papa’no e nasiyahan ‘yung mga taga-Tacloban na nakanood ng laban. Kahit ilang minuto lang e nagawa nilang malimutan ang delubyong pinagdaanan nila. Sobrang priceless ‘yung makitang nakangiti sila dahil sa pagkapanalo ni Pacquiao.

Kaya naman sobrang nagpapasalamat ako kay idol. Nabawi na n’ya ‘yung dalawang pagkatalo n’ya nang sunod. At mas makahulugan pa ngayon ang pagkapanalo n’ya dahil sa sinabi n’yang ito:

This is not about my comeback. My victory is a symbol of my people’s comeback from a natural disaster and a national tragedy.

Well said, idol. Well said, you know. Even the grammar is perfect. And the content… my goodness. I could not ask for more. Teka, asa’n ‘yung tisyu? Bilis, paabot. Tumutulo na pati sipon ko. Lecheng dedication ‘yan.

Lalo pa ‘kong natuwa nang mabalitaan kong pupunta raw si Pacquiao sa Tacloban para i-share ang napanalunan n’yang pera sa mga biktima roon. Sana maging kasimbilis ng kamao ni idol ang pagtulong na igagawad n’ya at ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyo. Mas mahirap at mas matagal kasi ang recovery at reconstruction phase.

Sana rin hindi pagsamantalahan ng mga pulitiko ang pagkapanalo ngayon ni Pacquiao. Ang dami kasing nakikihati sa limelight n’ya. Kung sana e ginagamit nila ‘yung oras at pera nila sa pagtulong, e di sana marami pa ang nakinabang. Umaasa akong mas matalino si idol kesa sa mga ulupong na nakapalibot sa kanya.

Congratulations, Pacquiao. Malaking bagay para sa mga biktima ni Yolanda (at sa akin din) ang iyong pagkapanalo. Apir!