Suntukan na lang

by Sankage Steno

Time to shine naman ngayon ni Juan Ponce Enrile. (Hindi talaga ako makapaniwalang ang ninuno nitong si Mariano Ponce e kababayan ko.) S’ya naman ngayon ang nagsabi ng maaanghang na salita laban kay Miriam Defensor-Santiago.

Kung napansin n’yo, hindi ko nilagyan ng honorific title ang kahit na sino man sa dalawa. Wala naman kasing kagalang-galang sa mga ginagawa nila ngayon kahit pa sabihin nating mataas ang pinag-aralan nila, mataas ang posisyon nila sa gobyerno at mataas ang kanilang pride.

Para sa mga wala pang alam, nagbigay ng privilege speech itong si Enrile na umabot ng 30 minuto. At ang laman no’n, well, puro paninira sa kanyang mortal na kaaway, si Santiago. Tinawag n’ya itong “obsessive hater,” “inane,” “deranged,” “cuckoo,” at isang taong may “hallucinated [images] of a hostile mind.”

Ang lalim ng galit, pati salita nadamay sa kalaliman.

Bukod pa d’yan sinabi rin ni Enrile ito:

I am sorry to say that this former judge does not seem to understand the basic meaning of due process. Every law student knows that due process simply means, “you hear first the evidence before you condemn.” Now I know why she nearly flunked her bar examination. A parrot can memorize legal principles but it cannot apply them.

Para silang mga batang nag-aaway. Mas malala nga lang kasi, at least, ‘yung mga away ng mga bata, madalas nauuwi sa pagbabati. E eto, walang katapusang bangayan ang nangyayari. Kung kelan pa nagsitanda, saka pa naging ganito mga pag-uugali.

Gaya nga ng sinasabi lagi ng lola ko, silang dalawa e “tumanda nang paurong.”

Nakakahiya naman. Naturingan pa man ding mga edukadong tao, tapos sa harap pa ng sambayanang Pilipino nag-aaway. Hindi ba nila pwedeng gawin ‘yon privately? Di ba pwedeng mag-away sila sa isang kwarto sa Senate? Kung gusto nila ng ganyan, sana nagpatayo na lang sila ng ring sa gitna ng session hall. Magpa-pay-per-view na rin sila sa HBO para malaki ang kita.

Wala rin naman kasing patutunguhan ‘yung bangayan ng dalawang ‘to. Ni hindi nga nagkakasuhan e, pareho namang lawyer. Inaaksaya lang nila ang oras nating mga Pilipino. Nawawala tuloy sa mga mas makabuluhang isyu ‘yung pagtutok ng media. Itong media naman, no choice kundi kagatin ‘tong awayan ng dalawang gurang.

Susme. Magsuntukan na lang kasi kayong dalawa para matapos na ang usapan. Patas naman ang laban e. May advantage si Enrile sa reach at power, pero mas lamang naman si Santiago sa edad at bilis.

Round 1, fight!