Supremo

by Sankage Steno

Kung hindi dumating ang mga Amerikano, malamang e si Andres Bonifacio ang napiling pambansang bayani ng mga Pilipino noon. Wala naman akong reklamo kay Jose Rizal, idol ko nga ‘yun e. Kaya lang, parang hindi masyadong nabibigyan ng parangal at pag-aaral si Bonifacio dahil karamihan nito ay nakatutok kay Rizal.

Alam naman natin na may probinsyang ipinangalan sa ating pambansang bayani. Idagdag mo pa d’yan ang lahat ng paaralan sa Pilipinas na may maliit na monumento ni Rizal. Napakarami rin nating kalye sa iba’t ibang probinsya ang nagdadala sa apelyido ni Jose.

E si Bonifacio?

Wala naman tayong probinsyang nakapangalan sa kanya. Dalawang monumento lang din ang alam kong nakatayo bilang parangal sa kanya: isa sa, well, Monumento at isa sa harap ng Vinzon’s Hall sa UP Diliman. At parang wala akong maalalang kalye na ang ngalan e Bonifacio. Ang alam ko lang e Boni Avenue. For sure namang di s’ya ‘yon.

Pampalubag-loob na sa Supremo ng Katipunang sa kanya ipinangalan ang kuta ng ating militar dito sa may Makati at Taguig (Saan ba talaga?), ang Fort Bonifacio. Malapit ako sa lugar na ‘to dahil dito nakatira ang ilan kong kamag-anak. Dito rin, alam ko, lumaki ang aking ama.

Dati kasing sundalo ang lolo ko, at sobrang proud akong may nuno akong tagapagtanggol ng bansa at katulad din ni Bonifacio na matapang at mapagmahal sa bayan.

Nakakatuwa rin na kahit na-develop na ang ilang lupain ng militar at naging Bonifacio Global City, napanatili pa rin ang pangalan ng Supremo. Alam naman nating ang BGC e isa sa pinakamaganda at pinakamaunlad na lugar dito sa Pilipinas, kaya nga ‘to pinag-aagawan ng Makati at Taguig e.

Ano na lang kaya ang masasabi ni Bonifacio sa lugar na ‘to? Di n’ya siguro aakalaing ang isang high-end, posh at luxurious na lugar e ipapangalan sa isang anak ng masang tulad n’ya. Ang layo sa kanyang lifestyle nu’ng nabubuhay pa s’ya.

Bukas, Nov. 30, ang ika-150 kaarawan ni Bonifacio. Sana man lang e maalala ng maraming Pilipino ang kabayanihan ng taong ito. Isang malaking kahihiyan na ngang ipinapatay s’ya ni Emilio Aguinaldo sa paraang di nararapat para sa isang Supremo at bayani, kaya siguro naman, kahit sa paggunita man lang, magawa natin bilang parangal sa kanya.

Mabuhay ang Supremo ng Katipunan. Mabuhay ka, Bonifacio.