Self-Googling

by Sankage Steno

Pasensya naman. Kasalanan ko bang maagang natapos ang trabaho ko at wala na akong magawang matino sa araw ko ngayon? Napilitan tuloy akong i-search ang pangalan ko sa Google. Yes, please, judge me. Alam ko namang hindi lang ako ang gumagawa nito.

Aminin.

Pero may magandang dulot naman ang paggu-Google ko sa sarili. Nakita ko ‘yung dami ng mga sinulat ko sa iba’t ibang pahayagan, pati na rin ‘yung napakaraming nag-repost ng mga sinulat ko. Nakakatuwa lang. Umaabot pala sa kanila ‘yung mga pinagsususulat ko. At least alam kong hindi lang ako at ang editor ko ang nakakabasa nu’n.

Pangalawa, medyo nakapag-time travel din ako. Nakita ko ‘yung ilang projects ko nu’ng college, including ‘yung research paper namin na dapat sana e ipe-present namin sa Canada. Kaso wala kaming pera papunta du’n kaya hanggang sa panaginip na lang kami nag-present ng paper.

Nabalikan ko rin ‘yung mga adventure ko noong araw, particularly ‘yung sinalihan kong game show. Naalala ko pa nu’ng kinorek ko sa Wikipedia ‘yung spelling ng full name ko. Andami kasing nagkakamali lalo na du’n sa second first name. Second first name. I just got to repeat that.

I cracked myself up.

Anyway, ang pinakaikinagulat ko talaga e ‘yung na-discover kong award sa ‘kin ng dati kong pinagtrabahuhan na di ko man lang alam. National book month noong 2011, at kasama pala ako du’n sa top borrowers sa library ng pinapasukan kong school dati.

My goodness. Me ganu’n palang award. Hindi naman ako ‘yung nag-top. Second lang ako. ‘Yung isa kong co-teacher ang nanguna. Nakakainis. Kung alam ko lang na may ganu’ng competition, e di sana hindi na ‘ko nagbasa sa library. Lahat na lang sana ng libro e inuwi ko sa ‘min.

Tapos ni hindi man lang in-inform ng school na may awarding ceremony pala. Ano kaya ‘yung napanalunan ko sana? Ang corny lang kung certificate. E pa’no kung may libre akong libro? O kaya e extended time para sa mga hinihiram kong books? Sayang din ‘yun! Bakit kasi walang nagsabi sa ‘kin?

November 2011 pa ‘yung award, tapos kung di pa ‘ko nabagot ngayon at nag-Google ng sarili, hindi ko pa malalaman ‘yung bagay na ‘yun. Sayang talaga. It’s a big honor pa namang maging top borrower sa library. Now I can only sulk and be bitter forever.

But, no, I’m not sourgraping.