Sa UP na po ako

by Sankage Steno

After ko pong mapanood ang privilege speech ni idol Miriam, napagdesisyonan ko na pong sa Unibersidad ng Pilipinas ako mag-aaral ng Law. Grabe, ang galing-galing n’yang magtaray at magpaandar. Gusto ko rin pong maging ganu’n kagaling. At feeling ko, makakamit ko lang ‘yun kung sa UP ako mag-aaral.

Habang nakikinig ako sa speech ni Miriam, hindi ko maiwasang mapanganga at mapakapit sa gilid ng upuan. Dalang-dala po kasi ako sa tindi ng emosyon n’ya, pati na rin sa walang preno n’yang pagsasalita. Hindi kaya nakapaglagay ng period ‘yung speech writer n’ya?

Ang galing talaga.

Hindi ko rin maiwasang damputin ‘yung mabigat at inaagiw naming dictionary sa bahay. Andami po kasing sinabi ni Miriam na hindi ko alam ang ibig sabihin. Ano po ba ‘yung interpellation? Saka ano rin po ba ‘yung psychopathic, hypersexualized, serial womanizer? Mga legalese po ba ‘yon? Gusto ko lang kasing malaman para hindi na ‘ko masyadong mahirapan pagpasok ko sa Law.

Bukod pa po d’yan, humahanga rin ako sa pagiging updated at cultured ng mga taga-UP. Mantakin mo naman, nakuha pa po ni Miriam na mag-reference kay Katniss Evardeen ng Hunger Games. At pati ang simbolo nila ng rebelyon ay nagawa pa n’yang ipakita. Talaga pong napapalakpak ako sa ginawa n’yang ‘yon.

At, mind you, itinaas ko rin po ‘yung three middle fingers ko.

Ito namang si Enrile, kahit tinitira na ng kanyang mortal na kaaway, cool na cool pa rin. Nakuha pang maglaro ng Bejeweled sa kanyang tablet. Ibang klase talaga ang mga taga-UP! Matatalino na nga, matatapang pa. At ngayon, may grace under pressure pang nadagdag. Saludo na talaga ako sa mga iskolar ng bayan. Gusto ko na po talagang mapabilang sa kanila.

Sana talaga matuloy ang debate nila sa UP College of Law. Aabangan ko talaga ‘yun. Isasabay ko na rin sa application ko para makapag-exam ako du’n at, hopefully, makapasa sa Law. How I wish na bumalik sa pagtuturo si Miriam para naman mahawahan ako ng kanyang nag-uumapaw na talino, logic at wittiness kung sakali mang swertehin akong matanggap doon.

Feeling ko po kasi e sa UP ko lang makakamit ang mga bagay na ito. Sa unibersidad lang po na ito ko magagawang maging isang kapita-pitagan, kagalang-galang at kahanga-hangang abogado tulad nina Miriam at Enrile.

Sa UP lang po talaga, wala nang iba.