Mentos Kabag

by Sankage Steno

Andu’n ako kanina sa Marriott Hotel para sa forum about sa maritime dispute involving China and the Philippines. Hindi ko s’ya naumpisahan kasi ang pinuntahan ko talaga du’n e ‘yung press conference lang sa tanghali. Pagdating ko, nag-open forum sandali, then dinala na kami sa meeting room.

Du’n ako naupo sa harapan para kako maganda ‘yung register ng boses sa recording at makakuha ako ng picture nu’ng mga panelista. Bale sa isang row, tatlo ‘yung upuan. Du’n ako sa gitna pumwesto. Nasa kanan ko ang isang reporter ng GMA tapos sa kaliwa ko naman ‘yung reporter ng ewan ko.

Maya-maya, lumapit ang isang lalaki sa akin, tapos sinabihan akong kung pwede raw e makipagpalit ako ng pwesto sa nasa kaliwa ko, kay reporter ng ewan ko. Cameraman pala s’ya ng di ko na inalam pang channel. Normally, maiinis ako dahil lagi akong biktima ng ganito, ‘yung “napapaaway” sa photographer o cameraman, pero dahil polite naman si kuya, pumayag na ‘ko.

So nagpalit nga kami ng pwesto ni reporter sa kaliwa ko. S’ya na ngayon ‘yung nasa gitna at ako ‘yung nasa pinaka-left.

Natuwa pa ‘ko nu’ng una kasi nagkusa ‘yung reporter na pagpalitin ‘yung baso ng tubig na nasa harap namin. Nainuman na kasi n’ya ‘yung kanya. Sa tabi ng baso e may tigatlong Mentos. Dito na ‘ko nainis. Naubos na kasi ni reporter ‘yung candies n’ya, to think na kakarating lang n’ya nu’n. Worse, pati ‘yung Mentos na nasa pinanggalingan kong pwesto e kinain din n’ya.

The nerve!

Ayoko naman talaga sa mga menthol/mint candy. Naaanghangan kasi ako at feeling ko kumakain ako ng toothpaste. Kadiri. Pero kumakain naman ako ng Mentos. Ire-reserve ko sana ‘yung akin para pagkatapos kumain, may pantanggal-umay ako. E wala, tinimawa nu’ng reporter ng ewan ko.

So trabaho na lang ako. Picture-picture sa nagsasalita habang nagte-take down ng notes. After a while, may narinig akong kakaiba sa gilid ko. Para s’yang static, so inisip kong galing sa speaker. But no, hindi s’ya static o kung anuman. Galing pala ‘yung mahiwagang tunog sa bibig ng katabi kong reporter na bahagyang tinatakpan ‘yung mga labi.

Dighay pala s’ya nang dighay. As in putul-putol at sunud-sunod na dighay. Siguro almost 20 seconds din s’yang tuluy-tuloy na dumidighay. Akala n’ya siguro walang nakakarinig kasi may nagsasalita sa harap at bahagyang nakatakip ‘yung bibig n’ya.

Pero dinig na dinig ko! At kadiri s’ya. Parang umuutot sa bibig.

Pwede naman kasing magtakip ng tissue paper o panyo, pero pinili pa rin n’ya talagang kamay ang gamitin. Saka alam ko napipigil somehow ‘yung dighay, to the point na mawawalan s’ya ng sound at hangin na lang talaga. Baka walang ganu’ng skill ‘yung katabi kong reporter.

Sa sobrang kasuwapangan n’ya sa Mentos, kinabag tuloy. Or baka heartburn pa nga e. Isa lang ba ‘yun? Alam ko kasi nakaka-cause ng heartburn ‘yung mga menthol candies. Never mind. Basta kadiri s’ya at matakaw sa Mentos. Pasalamat s’ya at di ko tinapat sa bibig n’ya ‘yung recorder ko. Kundi, nasa Sound Cloud na ‘yun ngayon for sure.

Ansama ko, shet.