Alimuom

by Sankage Steno

Bahagyang nakayuko ang ulo ko habang pinagmamasdan ang iyong mga labing wala pa sa isang dangkal ang layo mula sa sarili kong mga labi. Mabagal ang ating paghinga. Sabay ang pagkabog ng ating dibdib.

Walang makikita ni isang tala sa kalangitan, ngunit sa ilalim natin ay nagniningning ang tila mga bituing ilaw mula sa mga poste, mga sasakyan at libu-libong kabahayan at mga gusali. Sa gabing ito, nagpalit ng pwesto ang langit at lupa. Pakiramdam ko ay inililipad ako habang kapiling ka.

Dahan-dahan mong idinampi ang likod ng iyong mga kamay sa aking pisngi. Nilibot nito ang aking sentido patungo sa gilid ng aking labi. Ang isa mong kamay ay kumapit sa aking likuran nang halos di ko namamalayan. Palibhasa ay namanhid ako sa kuryenteng hatid ng paghaplos mo sa aking mukha. Ang tanging nagawa ko lang ay idampi ang aking mga palad sa iyong leeg.

Nagsalubong ang ating mga paningin. Nangungusap ang ating mga mata. Walang salitang nabubuo, ngunit naiintindihan natin ang nais iparating ng bawat isa. Sa gitna ng katahimikan, nakuha nating maunawan ang nilalaman ng isip ng isa’t isa.

Gumuhit ang matalim na liwanag sa di kalayuan. Kasunod nito ang isang mapanakot na kulog na magpapatalukbong ng kumot sa kahit na sinong musmos. Ngunit hindi tayo nagambala. Ang takot ay takot sa nagpupuyos nating damdamin. Pansamantala nitong tinunaw ang iba pang emosyon, maliban sa isa.

Napakagat ka sa iyong labi. Nangislap naman ang aking mga mata.

Nasundan pa ng ilang kulog ang nauna. Sa ilang saglit, bumagsak mula sa makapal na ulap ang isang patak ng ulang nagsisilbing hudyat para sa iba pang butil ng tubig na nagnanais makabalik sa lupang pinagmulan. Hindi nga nagtagal at tila nag-uunahang bumuhos ang masaganang luha mula sa kalangitan.

Sa pagtama at pag-agos ng tubig sa konkretong sahig na ating tinutungtungan, kumalat sa paligid ang amoy ng tuyong lupang muling nadiligan. Ngunit hindi natin ito naamoy. Sa pagsasalubong ng ating mukha, tanging ang simoy lang ng hininga ng isa’t isa ang ating nalalanghap…

Ang ating nalalanghap.