Simpleng Ligaya

by Sankage Steno

Gusto ko talagang kastiguhin ngayon ang Meralco dahil sa ginawa nilang pagtataas ng singil sa kuryente, isang buwan matapos tayong hagupitin ni Yolanda. Napaka-insensitive kasi at sobrang mapang-abuso.

Para sa hindi pa nakakaalam, magtataas ng halos P4 kada kWh ang singil sa Meralco dahil sa annual maintenance check daw ng kanilang mga power plants na pinagkukunan ng fuel, or something to that effect. Kung kumokonsumo ka ng 200 kWh kada buwan, madadagdagan ka ng P800 sa ‘yong bill. Anlaki nu’n.

Impak, kung dati e second lang tayo sa Japan sa pagkakaroon ng mataas na singil sa kuryente dito sa Asya, ngayon e naungusan na natin ang mga Hapon. Pilipinas na ang may pinakamahal na singil sa  kuryente sa pinakamalaking kontinente sa buong mundo.

It’s an achievement we shouldn’t be proud of.

Pero hindi ko na sila aawayin sa blog ko. Alam ko namang wala rin akong magagawa kahit pa maglunsad ako ng kahit anong movement dito. Kahit ang gobyerno natin e walang magagawa dahil hindi na nila hawak ang mga power players sa energy sector.

Thanks, but no thanks to the EPIRA Law na pinasa noong 2001, kung di ako nagkakamali.

Sa halip, pipilitin ko na lang mag-focus sa magagandang nangyayari ngayon. Ayoko namang magpapasko e pinoproblema ko ang ibabayad sa kuryente sa bahay namin sa probinsya at sa tinutuluyan kong apartment dito sa Maynila. I have the entire year to worry about that. But for now, itutuon ko muna ang lahat ng atensyon ko sa mumunti pero magagandang bagay.

Tulad na lang ng pagbabalik ng The Singing Bee sa ere. Hindi pa ‘ko nakakapanood ng bagong season, pero natutuwa ako talaga kasi andaming magagandang memories na bumabalik sa ‘kin ngayon. Nu’ng sumali ako rito noong 2008, wala talaga sa plano ko ang manalo ng grand prize.

Pangarap ko lang talaga noong makita ang sarili sa TV at magkaroon ng kaunting pera para sa pagjo-job hunt ko. (E nanalo ang loko.) Kaka-graduate ko lang kasi noon sa UP, at naubos ang lahat ng savings ko sa paggawa ng thesis ko, entitled “Grace Under Pressure: News Reporting in the Disaster Management Cycle.”

Speaking of my thesis, kung nagamit lang sana ‘to ng mga journalist bago ang pananalasa ni typhoon Yolanda, baka marami pa silang nasagip na buhay. May pagkukulang din kasi ang media kaya hindi nakapaghanda nang husto ang mga taga-Visayas.

Case in point, walang nakapagpaliwanag simply kung ano ang “storm surge.” Ni wala ngang Tagalog term for that. Ayan tuloy, hindi napaghandaan ‘yung mala-tsunaming delubyo.

Natutuwa rin ako ngayon kasi maagang ibinigay ang 13th month pay. Huwag kang umasa dahil hindi ka makakautang sa ‘kin. Ipambabayad ko ‘yun sa utang ko (Well, utang talaga ng ibang tao na inako ko na.) at ipang-aaginaldo sa dumarami kong inaanak. Nadagdagan kaya ako ng tatlo ngayong taon. Kahit worried ako sa pagdami nila over the years, happy pa rin ako at pinagkakatiwalaan ako ng mga magulang nila na maging pangalawang tatay ng kanilang mga panganay.

Yes, puro panganay ang inaanak ko. (At ngayon ko lang din na-realize.)

At dahil humahaba na ‘tong blog kong dapat sana e around 300 words lang (nasa mahigit 500 na ‘ko ngayon), isa na lang ang sasabihin ko. Masaya ako ngayon dahil, finally, may pinagkakaabalahan na ulit ang aking ♡.