Ako ‘yung una

by Sankage Steno

Bago pa s’ya tuluyang mabura sa isip ko, ikukwento ko na rito ‘yung mga pinagdaanan ko bago maging kauna-unahang (at nag-iisang non-celebrity) grand champion ng The Singing Bee.

March 2008 nang mapanood ko sa TV ‘yung commercial ng TSB looking for people na mahilig kumanta at mag-videoke. Ehem ehem. E di text agad ako para mag-audition. After a month, habang nagko-computer ako sa shop malapit sa ‘min, nakatanggap ako ng text from an unknown number na pinapapunta ako sa ABS-CBN para sa screening.

Akala ko nu’ng una e joke time lang kasi nga common cellphone number lang, pero nag-go pa rin ako bilang wala naman akong ginagawa noon. Kakatapos ko lang sa thesis ko at naghihintay na lang ng graduation. Ubos na rin ang pera ko dahil sa dami ng gastos sa pag-graduate, lalo na ‘yung sa solo thesis ko.

Medyo kabisado ko na noon ang ABS-CBN dahil nakailang audition na rin ako sa game at reality shows (e.g., PBB Teen Edition, Myx VJ for a Day, Game KNB?), so parang wala na lang sa ‘kin ‘yung makakita ng artista o mapunta du’n. Wala na ‘yung pagkamangha factor na kadalasang nafi-feel ng first timers.

Pagdating ko sa studio kung sa’n kami dinalang mga “auditionees,” hindi na rin ako nagulat sa dami namin. Isang libo kami mahigit at ‘yung number ko e nasa 1500 plus ata. Di ko na rin maalala. Mas marami pa nga noon sa PBB e. Hanggang sa labas may pila. Kalahating araw din ako du’n. Grabe.

Anyway, dito sa TSB audition, chillax lang. Unang pinagawa sa amin e exam. Kung tama pa pagkakaalala ko, merong isang papel na may fill-in-the-blank questions. Limang kanta s’ya na both English at Tagalog, tapos may mga salitang wala na dapat mong hulaan. Alam ko e 25 items lang s’ya. Kastilyong Buhangin na lang naaalala ko, saka Totoy Bibo yata ‘yung isa pa.

After ng exam, break muna habang nagche-check ng papel ‘yung staff ng TSB. Nu’ng natapos sila, marami-rami na ring akong naging kakilala o kaibigan na ibang nag-audition. Nakalimutan ko na pangalan nila ngayon. Kakalungkot. Isa-isang tinawag ‘yung mga nakapasa sa exam, at kasama ako du’n syempre. Ang score ko yata e 19/25.

Not bad.

‘Yung mga hindi nakapasa e pinauwi na agad. Ganu’n-ganu’n lang. Thank you, babay! Nangalahati kami, pero marami pa rin. Kami na ngayon ang pasok sa second round ng screening. Ang sumunod na pinagawa e expected ko na, pero kinabahan pa rin ako kasi hindi talaga ako prepared. Ni hindi nga ako nag-review o nag-practice. Basta ang goal ko lang talaga sa pagsali e makita ang sarili sa TV at makakuha ng konting fund para sa job hunting.

Next phase is solo singing. Naglagay ng mic sa harap, katapat ng stage kung saan nakaupo ang tatlo o apat na staff ng TSB na silang manghuhusga. Habang naghihintay ng turn, isip ako nang isip ng kakantahin. Wala kasi akong kabisadong kanta na buo. Ang alam ko lang e Wherever You Will Go ng The Calling at The Yes Yes Show ng Parokya ni Edgar. Pinili ko ‘yung huli dahil OPM s’ya at may nakakanta na ng Wherever.

Turn ko na. Hawak ko ‘yung mic at nakaharap sa judges. Bahala na. Hindi ako performer pero dahil nandito na, go! Enjoy the show. Kanta na, with matching dance moves na konti lang, ‘yung tipid na pang-clubbing.

You better get ready for a big surprise/ You think it’s almost over but it’s only on the rise/ Mental message via visual contact/ Louder than any other sexual soundtrack/

More Margarita for my cute senorita/ Triple the tequila just to heighten up the flava…

Pinahinto ako. Kinabahan ako kasi baka di nila nagustuhan at tanggalin na ‘ko. Oh well, alam na naman natin ang ending ng story na ‘to. So, natanggap ako, of course. Galing ko e. Yes, yabang! So nangalahati na naman kami. Baka nga more pa. Basta maraming natanggal.

Hindi ko alam ang hinahanap nila, kasi maraming nag-audition ang talagang maganda ang boses pero hindi natanggap. Ako naman, hindi kagandahan ang boses ko, pambanyo at videoke lang talaga. But I got in. Siguro tumitingin din sila sa personality at sa register mo sa TV. May camera kasi. Yes, yabang ko talaga. Ikr!

Akala ko e tapos na nu’n ‘yung audition. Hindi pa pala. After ng solo singing, break ulit. Gabi na no’n, almost midnight, e dumating ako sa ABS-CBN hapon yata o tanghali, basta maaga. Kain muna kami ng hapunan. Pagbalik namin sa studio, ibinigay na ‘yung susunod na challenge.

Kaming mga natira e pinaggrupo-grupo. Kung tama pagkakaalala ko e walo kami sa isang grupo. At ang pinagawa sa ‘min e nagpakamot na lang sa ulo ko. Inutusan kaming gumawa ng isang song and dance number. But wait, there’s more. Dapat i-promote namin ‘yung TSB sa kanta namin habang nagsasayaw.

Variety show ba ‘tong nasalihan ko? Wowowee?

Game naman ako sa challenge dahil sobrang sisiw lang sa ‘kin ang mga biglaang performance na ganyan. Nu’ng high school kasi, kapag ayaw naming magturo o magpa-quiz ang teacher, uutuin naming mga magkaklase na mag-skit na lang kami o short performance instead of quiz o boring lecture. Madalas naman e napapapayag namin ‘yung teacher.

Ayun, du’n nahasa ang skill ko sa impromptu performance. In fairness talaga sa high school, magandang foundation para sa kinabukasan. Yeah right.

So practice na bago ‘yung performance. Ewan ko ba sa mga kasama ko at parang natameme. Syempre, dumating na ‘ko sa stage na ‘to, magpapatalo pa ba? Tuluy-tuloy na. Ako na nag-initiate at gumawa ng game plan. Sabi ko sa kanila, ganito, ganyan. Ikaw dito, ikaw d’yan, ako dito, go! Maikli lang ‘yung time na binigay sa ‘min pero nagawa naman naming ma-maximize.

Turn na namin. Nakapa-V ‘yung formation namin. Nasa harapan ‘yung mas maliliit at nasa likod ako. Matangkad kasi ako kumpara sa average Pinoy. Ang ginawa namin, kanta ng Palibhasa Lalake, ‘yung Katawan ng Hagibis. Syempre dapat OPM. Tapos sa halip na La-la, La-la, La-la, La-la-laaa, pinalitan namin ng Singing, Singing, Singing, Singing Beeee.

Corny s’ya, alam ko. E wala nang time e. Pinipilit ko ngang ‘wag matawa nu’n e. Mas malala pa ‘yung kasamang choreography n’yan. Nakatalikod kami tapos nakapamewang na parang pakpak ‘yung mga kamay. Sabay kumpas ‘yun habang kumakanta.

Shet, ang haba na ng blog ko.

O basta ‘yun. Masaya naman ‘yung performance. (Hindi ko sinabing maganda, ha.) After naming magpasikat, pinag-stay pa rin kami sa gitna, tapos on the spot na namang nagtanggalan. Hindi ko alam talaga ‘yung criteria nila sa pagpili, pero hindi ako pinaalis. Sobrang saya ko nu’n. ‘Yun na pala kasi ang final stage ng screening process.

Lahat ng natira after the group performance e sure nang sasabak sa taping para sa totoong laban. And the rest, as they say, is history. Saka ko na lang siguro ikukwento ‘yung iba kong experience sa mismong taping. Nakakabaliw din ‘yun e. ‘Pag naaalala ko nga, napapangiti akong mag-isa nang kusa.

Ayoko namang mapagkamalang baliw. Ayaw ko nga ba?