Sama ng Tingin

by Sankage Steno

Kakagaling ko lang sa Ayala Triangle para magpalipas ng oras at para maka-aura na rin. Achib naman ‘yung una kong goal kaso fail ‘yung pangalawa. Karamihan kasi nang andu’n e puro may kasama nang iba. Ako lang yata ang solo. Mukang tanga lang.

After ng tatlong lights and sound sets, pumunta ako sa Chowking para kumain ng wanton mami. Sobrang matagal na kasi akong naglilihi sa Chowking, kanina ko lang napagbigyan ang sarili. Ampangit nga lang kasi kulang-kulang ‘yung available products nila ngayon. ‘Yung siopao sana na oorderin ko, wala rin. Ang corny. Tapos wala pang panukli ‘yung kahera. Natapos na ‘kong kumain, di pa rin nabibigay ‘yung sukli.

Ayun, tumambay ako sa harap ng cash register hanggang sa maibigay n’ya sa ‘kin ‘yung kulang n’yang sukli. Pasalamat s’ya at busog na ‘ko nu’n. Baka hindi lang tambay gawin ko kung sakaling di ako nabusog sa kinain ko.

Dahil bad trip sa service ng kinainan ko, nagpasya akong pumunta sa McDo para bumili ng hot fudge sundae. Mas gusto ko kasi ‘yun kumpara sa sundae ng Jollibee. So tawid ako sa kabilang side ng Ayala at pumunta du’n sa medyo malayu-layong branch ng McDo. Pagkabili, medyo happy na ‘ko kaya good mood akong nakasakay ng bus kahit pa antagal kong naghintay. Du’n ako naupo sa may bintana, kahilera ng pinto.

Nu’ng nasa may Boni na ‘ko, sa tapat ng Robinson’s Forum sa may Pioneer St., bahagyang sumikip ‘yung traffic, so bumagal ang takbo ng bus. Tapos, napatingin ako sa mga taong nag-aabang ng masasakyan. May isang babae akong nakita na nagkataong nakatingin din sa ‘kin. Normal na lang namang magkatinginan sa kalsada, lalo na ako. E sobrang pogi ko pa naman. Makalaglag panty ang aking kagwapuhan.

And with my smoldering look, patay na!

So in-assume kong isa si ate sa mga nagka-crush at first sight sa ‘kin. But no, I was wrong. Iba ang tingin ng babae sa ‘kin. Nanlilisik ‘yung mga mata n’ya at parang galit na galit ‘yung tingin. Ako na mismo ‘yung napaiwas ng tingin sa kanya dahil baka mamatay ako sa sama ng tingin n’ya.

Nakapatagilid pa s’ya at nakalingon pakanan ‘yung ulo, tapos medyo natatakpan pa ng mahaba n’yang buhok ‘yung kanang mata n’ya. Pero kitang-kita ko talaga ang panlilisik ng mga mata n’ya habang nakatitig sa ‘kin. Kung siguro e nasa probinsya kami at wala sa Maynila, iisipin kong mangkukulam o manananggal si ate. At kung nagkataong hindi agad ako umiwas ng tingin, baka nadale na ‘ko.

Inisip ko kung kilala ba n’ya ako at nakaaway ko s’ya, pero wala naman akong maalalang mukha na katulad nu’ng sa kanya. Wala rin naman akong kaaway, maliban na lang du’n sa mga nakakapagbasa ng blog ko at hindi sumasang-ayon sa pananaw ko. Other than that, wala akong maalalang babaeng may sama ng loob sa ‘kin.

Ang weird lang talaga ni ate. Buti na lang at hindi s’ya sumakay sa bus na sinasakyan ko. Buti na lang din at hindi s’ya sumunod sa ‘kin. At pinakamabuti na ring hindi s’ya nagbagong anyo at naging aswang o manananggal. Nakakatakot talaga ‘yung tingin n’ya. Kung kelan magpapasko, saka s’ya nananakot nang ganu’n. Parang nahuli yata s’ya ng isang buwan.

Bakit kaya ganu’n na lang kasama ang tingin sa ‘kin ng babaeng ‘yon?