P.R.

by Sankage Steno

Dalawa na sila.

Isang taon matapos mamatay ng isa kong estudyante, may sumunod na agad ngayon lang. Sana hindi na masundan pa. Ang bigat e. Syempre, nakakagulat. Ang babata pa nila, tapos mauuna pa silang mamatay kesa sa ‘kin? Ang hirap tanggapin nu’n, lalo na sa mga taong talagang malalapit sa kanila. Naging teacher lang naman nila ako.

Hindi ko inasahan na kasama pala sa pagiging teacher ‘yung sakit na mararamdaman mo kapag nawalan ka ng estudyante. Hindi ko naman sila anak. Hindi ko naman sila kaanu-ano. Hindi rin naman masasabing kaibigan ang turing namin sa isa’t isa.

Pero masakit pa rin talaga, pramis.

Nagkrus kasi ang mga buhay namin kahit sa isang termino lang sa paaralan. At umaasa akong sa napakaikling sandaling ‘yon e nagawa kong mabahaginan sila ng kaunting kaalaman. Mas umaasa akong sa sandaling nagkasama kami ng dalawang estudyante kong ‘to e napatawa ko sila sa mga joke ko sa classroom, praktisado man o hindi.

Sayang at hindi ko man lang sila nakainuman o nakasamang maglakwatsa. Buti na lang at nagkakwentuhan kami kahit saglit lang, kahit ‘yung mga simpleng batian lang kapag nagkikita kami sa mga daanan sa paaralan. Weird mang sabihin, natutuwa ako dahil ang maaalala kong mga mukha nila e ‘yung nakangiti.

Kaya para sa ‘kin, ang maaalala ko lang lagi sa mga estudyante kong ‘to e ‘yung masasaya nilang hitsura. Sige, isama na rin natin ‘yung mga nahihiya nilang pagmumukha at ‘yung mga pilit na ngiti. Hindi naman masama ‘yun e. Nakakatawa pa nga kung tutuusin.

Ayokong sabihing mami-miss ko sila dahil, sa totoo lang, hindi kami naging ganu’n ka-close. Pero di rin naman ibig sabihin nito e hindi ko pinahahalagahan o naa-appreciate man lang ‘yung ilang araw na nagkadaupang-palad kami at nag-usap tungkol sa mga bagay-bagay. Ang katotohanang naiiyak ako at nabibigatan ang aking dibdib sa nangyari e patunay na mahalaga ang pagdaan nila sa aking buhay.

Kaya pipilitin kong hindi kalimutan ang kanilang mga pangalan.

Hanggang sa muli, Palmer at Ronnie.