Ang Napipintong Pagbagsak ng SMCB

by Sankage Steno

Ano ‘tong naririnig kong pabagsak na raw ang SMCB? Hindi pa ba? Char char lang. Malaki ang utang na loob ko sa paaralang ito, kaya naman nababahala ako sa mga lumalabas na balitang hindi magaganda tungkol sa aking alma mater.

Isa sa pinakanabahala akong balita e ‘yung paglisan ng mga magagaling at matatagal nang guro sa SMCB. Pangkaraniwan lang naman ‘yung mga gurong umaalis at lumilipat sa iba, lalo pa ngayong mas malaki ang sahod at mas maganda ang benepisyo sa public school. Pero di ko maintindihan kung bakit pati ‘yung mga ilang dekada nang nagtuturo rito ay bigla na lang umalis.

Nang huli kong makapanayam ang isa sa pinakamatataas na opisyal ng paaralang ito para sa ginawa kong special report sa sinusulatan kong dyaryo, doon ko mas napatunayang problema nga nila ngayon ang mataas na turnover rate o pagre-resign ng mga beteranong guro. Hindi naman daw nila mapigilan dahil, syempre, desisyon nila ‘yon.

Hindi ko na inungkat pa ang dahilan kung bakit sila nagsisialisan. Ang hula ko noon e dahil nga sa sweldo. Ngayon, iba na ang aking palagay. Malakas ang kutob kong dahil ito sa madreng namumuno ngayon sa SMCB. Sa tingin ko, marami s’yang ginagawang hindi nakakatulong para ibigin ng isang gurong manatili pa sa paaralang ‘yon.

Marami akong naririnig na reklamo sa madreng ito. Hindi ko s’ya kilala masyado dahil hindi ko na s’ya inabutan pa. Basta ang balita ko, kinaiinisan s’ya ngayon ng mga guro, maging ng ilang mga magulang at estudyante. Ang laki na raw talaga ng pinagbago ng SMCB simula nang s’ya ang mamuno rito.

Isa pang nabalitaan kong nakakagigil e ‘yung pinatayong museo noong isang taon para sa paggunita ng sentenaryo ng pagkakatatag ng paaralang ito. Ang dinig ko sa mga kwento sa ‘kin, hindi raw bukas para sa mga estudyante ang museo. Nakakandado lang daw at hindi nagagamit.

Ano ‘to? Noli Me Tangere na naman?

Para kang nagpatayo ng silid-aklatan, tapos hindi naman pwedeng magbasa ng libro. O kaya e ng isang canteen, tapos bawal naman kumain doon. Kung totoo man ang balitang ‘to, isa s’yang malaking kagaguhan. Pasensya na sa salita ko. Hindi ko natutunan ‘yan sa SMCB, sa kalye ko na napulot ‘yan.

Tapos may nabalitaan pa ‘kong kung anu-ano raw ang ginagawa ngayon ng paaralan para madagdagan ang kita. Tulad na lamang daw noong nagdaang Foundation Day. ‘Yung mga “costume” daw na sinuot ng mga estudyante para sa taunang sayaw nila e required na bilhin lang sa SMCB at bawal sa labas o kaya e gawin nang sarilinan.

E ang alam ko P.E. uniform na nga lang ang gamit sa Foundation Day. Bakit may ganito pang “costume”? Nu’ng makita ko ‘yung mga suot nila sa sayaw, hindi naman maganda. Mukha silang mga scarecrow na natatanaw ko sa NLEX kapag umuuwi o lumuluwas.

Sana lang hindi rin ‘to totoo.

Ang laki na rin daw ng pinagbago ng quality of teaching sa SMCB. E pa’no namang di mababago e ang dami ngang magagaling na guro ang umalis na. Anong aasahan mo sa mga baguhan? Hindi ko sila minamaliit, pero iba pa rin talaga kapag marami nang experience at pinagdaanang training at seminar.

Kung ang lahat ng mga masasamang balitang ito e dahil sa madreng namumuno ngayon, bakit wala akong naririnig na nagrereklamo nang pormal? Bakit walang naghahain ng petisyon? Bakit walang sumusulat sa kanya tungkol sa mga hinaing at problemang ‘to?

Ano, natatakot kayo?

E ang dami n’yong guro, magulang at mag-aaral. Isang sulat lang naman ang kailangan n’yo, tapos papirmahan n’yo sa lahat ng may gustong pumirma, ‘yung mga taong concerned din sa nangyayari d’yan sa SMCB. Kung gusto n’yo, tutulong pa ‘kong gumawa ng sulat. Basta masiguro ko lang ang mga detalye at makakuha ng mga kakampi, mauuna pa ‘kong pumirma.

Meron din namang Change.org. Sus, ang daming solusyon ngayon. Bakit parang walang gumagawa ng aksyon? Ewan ko ba kung bakit ganito kaduduwag ang mga tao sa paaralang ‘to. Ganyan ba itinuturo sa inyo ng mga madre?

Advertisements