Basa basa din ‘pag may time

by Sankage Steno

Dahil sa sinulat ko kahapon dito sa blog, nakatanggap ako ng tawag mula sa “kinauukulan.” Maayos naman ang aming pag-uusap. Wala namang nangyaring pangha-harass o demandahan. Humingi lang ng paliwanag, at ibinigay ko naman nang may talino at kahinahunan. Ang hindi ko lang matanggap sa naging usapan namin e eto:

Hindi pa pala n’ya nababasa ‘yung sinulat ko.

Pwede ba, sa susunod, bago n’yo ‘ko abalahin sa aking pananghalian o sa aking trabaho, siguruhin n’yo munang alam n’yo ang issue. Hindi ‘yung aasa lang kayo sa sabi-sabi. Alamin n’yo muna kasi kung ano ang pinaglalaban ninyo bago kayo umatake. Sinong tanga naman ang susugod sa digmaan nang walang dalang armas?

Kakastiguhin n’yo ‘ko sa mga sinasabi ko rito, susubukan n’yo ‘kong paamuhin, samantalang hindi n’yo pa pala nababasa kung ano ‘yung mga sinulat ko. Lalo lang tuloy lumalabas na may pinoprotektahan kayo o may pinagtatakpan. Nagpapaka-defensive kayo sa mga bagay na hindi n’yo pa pala nabibigyang-linaw.

‘Wag naman sanang ganu’n. Nakakawala kasi ng respeto. Ang taas-taas pa naman ng pagtingin ko sa inyong mga nasa kinauukulan, tapos simpleng pagbabasa lang hindi pa ninyo magawa? You don’t do that to me.

Ngayon ‘pag nabasa n’yo na, saka ninyo ako balikan. Tutal nahanap n’yo na rin naman ang numero ng cellphone ko, and I’m sure madali n’yo lang ding malalaman ang tirahan ko, sige, usap tayo. Kung sa tingin n’yo ay may problema, haharapin ko ‘yan. Bring it on. Sabihin n’yo sa ‘kin kung libelous o slanderous ‘yung sinulat ko.

Hindi naman ako nagagalit sa inyo. Natutuwa nga ako at nakarating sa inyo ang balita. Akalain mong nakapagbukas ako ng “can of worms” dahil lang sa sinulat ko rito sa blog. Ang dami pa palang issue na dapat pag-usapan at bigyang-pansin. Kung di pa ‘ko nakapagsulat, hindi pa makakahanap ng avenue ‘yung sangkatutak na anonymous commenters para ilabas ang kanilang mga hinaing, reklamo at problema.

Salamat sa free speech sa bansang ‘to, kahit pa nagdedelikado ako minsan.

Hindi naman kasi ito ang una. Marami nang nagtangkang matunton ako noon at “saktan” dahil sa mga nasulat ko rito sa blog. In fairness naman sa sitwasyon ngayon, walang pananakit na balak. Gusto lang talaga ng paliwanag, kaya nagpapasalamat pa rin ako. Lahat naman talaga ay naaayos sa mabuting usapan. At iyon naman talaga ang gusto ko para maplantsa ang mga gusot. Kung gusto n’yo ‘kong harapin, sabi ko nga, sige lang.

Basta magbasa muna kayo.