Now Trending: UPCAT

by Sankage Steno

Merry Christmas, mga bagong Isko at Iska!

Kung di ka naniniwala sa Pasko dahil isa kang atheist o INC member o Saksi ni Jehovah o kung ayaw mo lang talagang maniwala dahil non-conformist ka, Happy Holidays! At kung galit ka sa ‘holiday’ na salita dahil religious ang origin nito, Season’s Greetings!

Kung may reklamo ka pa rin, Uy! Ayan, binati na kita.

Sobrang natutuwa ako para sa ‘yo dahil nakapasa ka sa isa sa pinakabigating college screenings sa bansa (kung di man sa buong mundo). Congratulations! Ang galing mo. Ang ganda ng regalong natanggap mo a. At, take note, ngayon lang yata nangyaring napaaga ang paglalabas ng UPCAT result. Normally kasi e tuwing February s’ya nire-release.

Kung di mo pa nakikita ang resulta, click mo lang ‘to. Sana hindi na down ‘yung site nila. Ang dami kasing na-excite na makita ‘yung mga nakapasa. Bumigay tuloy. Ay! Kahit nga ‘yung mga hindi naman nag-UPCAT nakikiusyoso rin. Very Pinoy. Kahit nga ako tiningnan ko rin, e wala naman talaga akong gustong makitang pangalan.

Sa iyong nakapasa, mararanasan mo na rin sa wakas ang ilan sa mga naranasan ko noon d’yan sa pinakamahusay na pamantasan sa Pilipinas (kung di man sa buong mundo). Nae-excite ako para sa ‘yo.

Sa UP ko lang kasi naranasang makatulog ng walong oras o higit pa araw-araw. Take note, araw-araw. Gumanda talaga ang kutis ko d’yan at nawala ang aking eyebags. Kumpletung-kumpleto kasi lagi ang tulog at pahinga ko. Tapos ang dami ko pang free time palagi, kaya naman may panahon pa ‘kong maglamyerda sa kung saan-saan.

Halos linggu-linggo yata e nakakapanood ako ng sine. Oo, may sine sa loob ng campus. Sobrang lamig, sobrang linaw at sobrang ganda ng sounds. Walang sinabi ang IMAX at 3D. Tapos sobrang mura pa.

Panalo talaga.

Sa UP ko lang din naranasang tumaba. Sobrang sarap kasi ng mga pagkain at sobrang mura pa. Panay kain lang nga ginagawa ko e. Tapos pwede pang kumain kahit nagkaklase, so nagbabaon ako minsan ng kare-kare with bagoong sa loob ng classroom. Ang laki talaga ng itinaba ko. From 30 na waistline, naging 38 s’ya. Busog.

Sobrang dali lang din mag-aral sa UP. Impak, nagagawa kong makauno kahit hindi pumapasok o nagre-review. Sisiw lang talaga lahat ng lessons. Never akong nagpuyat para sa isang project o test. Napakagagaling at napakasisipag kasing magturo ng mga professor dito. Sa sobrang husay nila, maiintindihan mo talaga lahat kahit hindi ka na mag-effort.

Wala ring pressure ang graduation dito. Sa katunayan, napakabilis kong natapos ‘yung aking kurso. Hindi talaga ako nagkaproblema ni isang beses sa mga requirement ng UP para maka-graduate. Kung anong daling pumasa sa UPCAT, ganu’n lang din kadaling makapagtapos. Baka nga mas madali pa e. Kasi ako, sobrang hindi ako nahirapan.

Para ka lang tumawid sa Commonwealth Avenue.

Marami pa ‘kong naranasang magagandang bagay sa UP, pero di ko na sasabihin. Hahayaan na lang kitang gumawa ng sarili mong kwento kapag nagsimula ka nang mag-aral dito, Isko at Iska. Ang swerte-swerte mo talaga.

Para naman sa hindi nakapasa, masaya rin ako para sa ‘yo. You don’t know how lucky you are. Congratulations!