Ibang Pasko

by Sankage Steno

Ikalabintatlong Pasko ko nang pumupunta sa sementeryo pagkatapos magsimba kasama ang pamilya.

Dati-rati kase, buong pamilya kaming gigising nang maaga para humabol sa misa sa alas-nuwebe, tapos e babalik kami sandali sa bahay para magpalitan ng regalo, saka kami luluwas para mamasko sa mga kamag-anak namin sa side ng father ko.

Sasakay kami ng bus, isang hilera ng upuan ‘yung amin kadalasan, at pagdating sa Maynila, lilipat naman kami ng taxi. Wala pang MRT noon, at dahil bata pa ‘ko, gandang-ganda pa ‘ko kapag dumadaan kami sa mga flyover sa Ortigas. Pakiramdam ko noon e ang yaman-yaman na ng Pilipinas kasi meron tayong pulu-pulupot na daanan na nakaangat.

Ang gara.

Kanina, ganu’n pa rin naman ang nangyari. Kasama ko ang mga kapatid kong sumakay ng bus at sunod e taxi. Dumaan ulit kami sa flyover ng Ortigas. Nagagandahan pa rin naman ako. Ewan ko lang kung ano ‘yung impression ng bunso kong kapatid. Sana ganu’n din.

Ang kaibahan lang ngayon, pagkasimba, dinalaw muna namin si papa sa sementeryo bago bumalik sa bahay para magpalitan ng regalo. Missing in action din si mama kasi me pasok s’ya ngayong araw. So ‘yung regalo ko sa kanya, mamayang gabi pa n’ya makukuha pagkauwi galing sa trabaho.

Nakakapanibago lang na ako ‘yung nagbayad ngayon ng pamasahe at hindi si papa o si mama. Ako ‘yung nagturo ng daan sa taxi driver patungo sa bahay ng mga kamag-anak namin at hindi si papa o si mama. Ako na rin ‘yung namigay ng aginaldo at hindi na si papa o si mama.

Biglang may reversal of roles, at hindi yata ako na-inform.

Naaalala ko pa noon na kapag nasa bahay na kami ng mga kamag-anak ko sa father side, manginginain lang ako at magbababad sa family computer. Hindi ako maawat noon sa pagkain at sa paglalaro. E ngayon, konting kain lang, ayoko na. Wala na ring family computer. Natapos ko na rin yata lahat ng games sa iPad ni mama.

Tapos dati rin, habang busy ako sa paglilibang sa sarili, maririnig ko si papang ipagyayabang ‘yung mga achievement ko sa school. Kebs lang naman sa ‘kin dahil mas concerned ako kung pa’no maitatawid si Mario sa susunod na stage. Wala na ring nang-aasar sa ‘kin ng mataba o kaya e nagsasabing sana e maging basketball player ako paglaki ko.

Grabe lang. Ambilis magbago ng panahon. Kainis lang at di na pwedeng ulitin pa ‘yung dati kong mga Pasko. Kahit anong pilit pa ang gawin ko, imposible nang mangyari ‘yun. At sa totoo lang, nami-miss ko ang mga Paskong kasama si papa ko.