Tato

by Sankage Steno

Dalawang tao lang ang naiisip kong pwedeng magtato sa balat ko, isa rito ‘yung dati kong estudyante na nangakong libre daw kapag nagpatato ako sa kanya at ‘yung isa naman ay si Fang Od, Kalinga’s last mambabatok.

Matagal ko nang pinag-iisipan kung dapat ba ‘kong magpatato sa katawan. Hindi naman ako Pintados o magdirigma, hindi rin naman ako preso, pero ewan ko ba kung bakit ine-entertain ko pa rin ‘yung posibilidad na matatakan ng permanenteng tinta ang isang parte ng aking katawan.

Siguro dahil gusto kong maging cool.

Cool or not, mas mataas na ang tsansang magpatato ako ngayon. Ang problema ko pa, bukod sa kung kanino ako magpapatato, e kung ano ‘yung papalagay ko. Okay lang ba kung heart ang ipalagay ko? Funny. Sorry, natatawa lang talaga ako sa mga maton na may tatong puso sa balat. May soft side din pala sila kahit anlayo sa panlabas na kaanyuan.

Kung kay Fang Od ako magpapabatok, malamang sa malamang e kukunin ko ‘yung isang pattern na nakalagay sa buo n’yang katawan. Syempre kung sa’n s’ya magaling ‘yun ang papalagay ko. Remembrance na rin bilang s’ya na nga lang ‘yung natitirang tattoo artist sa Kalinga. Hindi na kasi n’ya ipapamana pa ‘yung skill n’ya, so may value talaga kapag sa kanya ako nagpatato.

Kung du’n naman sa estudyante ko, du’n ako medyo nahihirapang mag-isip. Magaling naman s’ya pero alam kong may igagaling pa s’ya. Hindi ko rin sure kung ano ‘yung specialty n’ya, kung characters ba o hayop o hearts. Kainis!

Kung characters, nag-iisip pa ‘ko kung ano ‘yung isusulat at kung anong language. Di ko rin sure kung alibata ba gagamitin ko o cursive font o Japanese/Chinese character. Grabe, ang daming choices. Ganu’n din kung hayop o ibang image ang ipapalagay ko. Nakakakulta sa utak ‘yung dami ng possibilities.

Basta sure akong hindi ko ipapalagay sa balat ko ‘yung pangalan ng special someone ko. Ano ako, hibang? Yes, sorry na. Bati na tayo. Labyu.

So hihingi sana ako ng tulong para mag-isip. Nangangawit na kasi ‘yung utak ko. Lagi na lang kasi akong nag-iisip. Sawang-sawa na ako! Biro lang. Gusto kong mamatay nang nag-iisip… at nagmamahal. Shet, sa’n galing ‘yon? Tulungan mo na nga lang akong umisip ng itatato sa balat ko. Pakiusap lang.