Makakasayaw na ulit ako

by Sankage Steno

Para akong may kiti-kiti sa pwet ngayon sa sobrang pagkaatat na maggabi na. Di talaga ako mapakali kanina pa. Ngayon lang ulit ako na-excite nang ganito. Ewan ko ba, feeling ko may effect ‘yung malamig na simoy ng hangin sa labas. Nakakadagdag ng good vibes. Ang sarap lang namnamin.

Kaya ako di mapakali kanina pa e dahil sa party na pupuntahan ko mamaya. Hindi s’ya Christmas party, pero parang ganu’n na rin. Birthday party s’ya ng isa kong kaibigan, at du’n n’ya gagawin ang celebration sa isang club malapit dito sa office na pinagtatrabahuhan ko. Pero bago ‘yan, may isa pa ‘kong pupuntahan. Dinner naman with my other group of friends.

Excited din ako du’n kasi antagal ko na ring di nakikita ‘yung mga kaibigan kong ‘yon. Ako na busy ngayon. Yes! Pero ang pinakanakakaatat talaga for me e ‘yung pagpunta ko sa club mamaya. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi nakakapunta sa ganu’ng klaseng lugar. Mga isang buwan na. Tagal na ‘no? I’m such a loser.

Makaka-aura na naman ako, pero higit sa lahat, makakapagsayaw na naman ako na parang walang taong nakatingin. Puro na lang kasi ako kanta this past few years. Ang ganda-ganda kasi ng boses ko. Sunud-sunod pa concert ko. Yeba! Bihira na ‘kong makasayaw, di tulad nu’ng high school na lagi kaming nasa Music Warehouse o nu’ng college na puro sayaw ‘yung P.E. ko. So sobrang nami-miss ko na talaga.

Medyo nakapag-practice na naman ako ng konting steps. Nagpaturo kasi sa ‘kin ‘yung kapatid ko ng sayaw para sa kanilang office party, so ayun, medyo pinagpawisan naman ako. Madali lang naman ‘yung pinaturo n’ya sa ‘kin, mga dance moves lang ng Universal Motion Dancers na sumikat noong 90s. Sorry, hindi ko kaya ang sa Streetboys, except sa Mmm Bop.

Feeling ko e kulang pa ‘yung practice ko kaya mangangalap pa ‘ko ng da moves sa You Tube. Pipili ako nu’ng medyo sexy pero hindi bastusin, ‘yun bang pa-cool. Ayan tayo sa pa-cool e. E kesa naman ‘yung pa-hot. Ano, dirty dancing? Well, lemme think about it. Parang type ko rin nu’n. Awtsu.

Sana may makasayaw akong, alam mo na. Shet, lalo akong na-excite. This is torture! I like to move it, move it na. Lord!