Nanonood ng mga Ulap

by Sankage Steno

Pinagpapahinga ko pa ‘yung lalamunan kong nilayasan ng boses kasabay ng pagpapagaling ko sa aking puso. At habang naghihilom pa ‘ko, muli kong nadampot ‘yung Public Lives ni Randy David. Nabasa ko na ‘to three years ago, pero binabasa ko ulit dahil kinatamaran ko na ‘yung isa, dalawa o tatlong librong nasimulan ko at tinigilan dahil na-bore ako.

Isang libro lang ‘yung hawak ko pero parang andami kong kausap. Andyan si David, tapos si ee cummings, saka si Foucault at si Nietzsche. Pero ang kausap ko talaga nang seryosohan e ‘yung sarili ko. Ganito naman talaga kapag nagbabasa ako at nagsusulat. Kung ano ‘yung pumapasok sa isip ko, sinusubukan kong i-relate sa kalagayan ko ngayon. Kapag kasi naikonekta ko ang isang ideya sa buhay ko, lalo s’yang nagiging makahulugan para sa ‘kin.

At feeling ko e effective ‘tong therapy sa kaluluwa ko o ninuman. Lalo pa ngayong nagpapagaling nga ako, sa tingin ko e malaki ang maitutulong nito para makabawi ako sa stress at sama ng loob na dinulot sa ‘kin ng mga katangahan ko these past few days. Wala naman akong pinagsisisihan sa mga ginawa ko. Actually, masaya nga e, sobra! Pero ‘yun nga, nakaka-stress lang talaga. It was a crazy ride, and I wanna do it again.

Habang nagbabasa, napaisip ako sa sinabi ni pareng Nietzsche, sa tulong ni pareng David. Sabi n’ya,

The first question is by no means whether we are content with ourselves, but whether we are content with anything at all. If we affirm one single moment, we thus affirm not only ourselves but all existence… and in this single moment of affirmation all eternity was called good, redeemed, justified, and affirmed.

Ayokong ipaliwanag dahil gusto kong ikaw ang gumawa ng sarili mong pakahulugan d’yan. It’s self-explanatory for me, pero malay ko sa ‘yo. I guess this is a good time to talk with and to ourselves again, bago man lang matapos ang taon at magsimula nang panibago. At ok s’ya, in fairness.

Nakakagaan ng bigat sa dibdib na muling bumalik sa sarili ko at kamustahin s’ya. Nakaka-miss din palang kausap ang sarili. At sa pagsusulat ko sa ngayon, hindi ko lang tinatandaan kung ano ‘yung mga nalalaman at di ko pa nalalaman, minamarkahan ko rin ‘yung paglipas ng panahon sa sarili kong buhay. Tama ba ‘ko, pareng David?

Parang ambata ko pa para pag-isipan nang ganito ‘yung buhay-buhay ko. Am I maturing? No!

Grabe lang, pero sige, nasabi ko na ‘yung gusto kong sabihin. Babalik na ‘ko sa pwesto ko sa pagbabasa: du’n sa may veranda kung saan tanaw ko ang mga bubong ng kapitbahay, ‘yung puno ng kamias sa bakuran namin, pati na rin ‘yung mga puno ng saging, niyog, santol, kaimito, duhat at kung anu-ano pa sa bakuran ng mga katabing-bahay.

Ang sarap sa pwesto ko kahit diretso akong nasisikatan ng araw. Kapag kasi tinatamad na ‘kong magbasa, aalisin ko lang saglit ‘yung mata ko sa libro at manonood ng mga ulap. Dito lang ako sa probinsya madalas nakakanood ng mga ulap. Bihira sa Maynila. At habang lumulutang ang diwa ko, naisip ko lang: Itong buhay at mundong ‘to, sobrang stressful, sobrang unfair, sobrang nakakabaliw, sobrang nakakatakot at sobrang lupit, pero tangina sobrang ganda.