Amabam Amare

by Sankage Steno

Pinabaunan ako ni mama ng ham at cheese pimiento sandwiches kahapon, kaya ‘yun ang ginawa kong pananghalian kasama ng isang kahel. Pumunta ako sa gilid ng Mind Museum, du’n sa may parke, pumili ng at umupo sa isang bangko, at saka kumain. Malamig ang simoy ng hangin, bughaw ang kalangitan at todo ang ngiti ng araw. Kinilig ako, shet.

Habang kumakain, iniisip ko ‘yung mensahe ni Pope Francis noong New Year’s Eve. Ang tanong n’ya, naglaan daw ba tayo ng panahon para sa ibang tao noong 2013? Ang sagot ko ay “Oo,” pero habang iniisa-isa ko ‘yung mga taong natulungan ko noong nakaraang taon, naisip kong sobrang kaunti lang nila. Syempre, hindi ko na isinama ‘yung mga natulungan ko sa Yolanda at Bohol quake dahil di naman directly ako ‘yung tumulong, nag-volunteer lang ako at nag-donate.

Naisip ko, ganito lang kakaunti ang natulungan ko dahil ito lang ‘yung kaya ng pera at lakas ko. Isa pa, consciously akong nagpapakamakasarili nitong mga nagdaang araw. Pinipilit ko kasing unahin naman ang sarili bago ang ibang tao, para naman masabi kong hindi ako ganu’n kabait. Ang alam ko kasi, kinukuha agad ni Lord ‘yung mga mababait na tao. Ayoko namang mauna.

Sa kaiisip ko sa sarili, pinaunlakan ko syempre ang aking damdamin, at sinuwerte namang nakatagpo ako ng isang taong pagbubuhusan ng pansin at panahon. Hindi naman ako pinalad sa kanya, pero napapaisip ako ngayon sa isang bagay na napag-aralan ko noong college sa kursong Metaphysics. Para malinaw, heto ‘yung quote galing sa Confessions, Book 3, para 1, ni St. Augustine:

Nondum amabam et amare amabam et secretiore indigentia oderam me minus indigentem. Quaerebam quid amarem, amans amare…

Epistaxis ba? Google mo. Joke lang. May translation ‘yan. Di na kita papahirapan. Heto s’ya in English:

I was not yet in love, but I was in love with love, and from the very depth of my need hated myself for not more keenly feeling the need. I sought some object to love, since I was thus in love with loving…

Iyon siguro ‘yung malaki kong pagkakamali. Bukod sa sabik akong magkaroon ng makakasama, pakiramdam ko e mas in love ako sa idea ng loving. Nakuha mo ba ‘yung punto ko? Mas mahal ko ‘yung konsepto ng pag-ibig kaysa du’n sa taong dapat sana ay iniibig ko. I know this is over thinking, pero please humor me.

Matagal ko nang alam ‘tong konteksto ng “in love with love,” pero di ko naman inasahang ako pa mismo ang mahuhulog sa ganitong sitwasyon. And the more I think about it, the more I’m convincing myself that, oo nga, bilang isang ‘romantic’ na tao, in love ako sa love, which is not entirely a wrong thing.

Sa ganang akin, kahit sino naman sigurong tao e gusto ang love, pero parang na-overdose yata ako at mas gusto ko na ‘yung abstract concept at ‘yung ideal form nito kesa ‘yung sa mas praktikal, raw at makatotohanang pag-ibig, na kadalasan ay marubdob but not necessarily happy. Gaya sa mga nakasulat sa timeless literature, many of the greatest love stories ever told are tragedies (except fairy tales na feeling ko e du’n ako naka-subscribe).

If that’s the case, ‘yung sinabi ko sa sarili kong hindi ko muna pagaganahin ang utak at puro ‘yung nararamdaman ko lang, in essence, e hindi ko talaga nagawa. Well, technically pala, nasunod ko s’ya, pero dahil heto na ‘ko sa sitwasyon ko ngayon, back to thinking and analyzing, it’s safe to say na pumalya ako. Kung ang pag-ibig ay isang laro, aaminin kong natalo ako ngayon.