Enero 9 itinakda bilang Gloria Day

by Sankage Steno

Idineklara ng Malakanyang ang ika-9 ng Enero, Biyernes, bilang “Gloria Day.”

Ito ay upang hikayatin ang mga Pilipino na dalawin si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa piitan nito sa loob ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City at personal na humingi ng tawad at pang-unawa dahil sa inani nitong batikos mula noong nakaupo pa siya sa palasyo hanggang sa ngayon.

Lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, mula kindergarten hanggang kolehiyo, ay walang pasok, gayundin ang lahat ng empleyado sa buong bansa.

“The president signed yesterday Executive Order 10614 declaring January 9 a special non-working holiday so that all Filipinos can celebrate Gloria Day,” sabi ni communications secretary Herminio Coloma.

“As we usher in the new year, we urge every able Filipino to go to VMMC to visit GMA and ask for her forgiveness personally,” dagdag pa ni Coloma.

Nauna nang dumalaw at nakipagbati kay Arroyo sina dating pangulong Joseph “Erap” Estrada ilang araw bago mag-Pasko at Fidel Ramos noong Nobyembre.

Kahit ang ilan sa mga pangunahing kritiko ni Arroyo ay tumungo na rin sa VMMC upang makipag-ayos sa kanya. Nariyan si Jesus Is Lord Movement head Eddie Villanueva na pumunta noong ika-16 ng Disyembre at si retired Lingayen-Dagupan archbishop Oscar Cruz na dumalaw noong Sabado.

Tumagal ng isang oras ang pakikipagkita ni Cruz kay Arroyo upang hingin ang pang-unawa nito sa kanyang mga binitawang maaanghang na salita noong nanunungkulan pa ang huli.

“Ang talagang nais ko ay hingin ang kanyang pang-unawa na ako ay nagsasalita sa mga ilang bagay na nagawa ng kanyang administrasyon. ‘Yun naman po ay ginagawa ko sang-ayon naman sa social talk of accept. Kasi sa simbahan po nagse-self talk po ‘yun,” sabi niya. “Kaya po ako nagpunta doon to ask for her kind understanding that I was doing something that set my … or along my commitment.”

Inaasahan ding dadalaw kay Arroyo ang ilan sa mga bigating personalidad sa bansa. Nauna nang nagpahayag ng intensyong pumunta sa VMMC sina Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao, Mr. Pure Energy Gary Valenciano, Pop Princess Sarah Geronimo, Superstar Nora Aunor at ang muling nagbabalik-showbiz na si L.A. Lopez.

Gamit naman ang kanyang Twitter account, ipinahayag din ni international pop superstar Justin Bieber ang kanyang balak na pagbabalik sa Pilipinas para makadalaw kay Arroyo.

“Sendin my love to PGMA. See u on d 9th. XOXO” tweet ni Bieber.

Dahil natapat na Pista ng Itim na Nazareno ang Gloria Day sa Enero 9, hinikayat din ng Malakanyang ang lahat ng namamanata na idaan ang prusisyon sa VMMC upang makapagbigay-pugay kay Arroyo.

“The Catholic faithful, especially those who have a special devotion to the Black Nazarene, are also welcome to join in the celebration of Gloria Day. We’re definitely expecting them to be at the VMMC as well, so we’re already working on the logistics and security of the venue,” sabi ni Coloma.

-30-

P.S.

Ewan ko na lang sa tangang maniniwala sa balitang ‘to. One word for you: schadenfreude.