Muntik-muntikanang Masagasaan

by Sankage Steno

Ng motorsiklo.

And not just once, but twice. Ngayong umaga pa lang ‘yan habang papasok sa office. So baka mamayang lunch time, kapag lumabas ako para bumili ng saging (oo, ‘yun lang kakainin ko), e madale na talaga ako ng mga naghahari-hariang motorcycle riders.

‘Yung unang engkwentro e nangyari habang pababa ako ng sinakyan kong bus. Nu’ng pababa na ‘ko sa bus stop (ayan ha, nasa bus stop na nga e), nu’ng isang hakbang na lang ako para makatungtong sa lupa, biglang may sumulpot na puting motorsiklo sa gilid ko.

Buti na lang at nakapreno agad si kuya. Kung bakit naman kasi du’n s’ya dumaraan e may designated blue lane na nga para sa kanilang mga naka-two wheels. Ang hilig-hilig kasing sumingit sa kung saan-saan, porke maliit ‘yung dalang sasakyan. Pasalamat s’ya at good mood ako dahil sa suot ko (luma na ‘yung suot ko pero may dinagdag lang ako para may swagger), kung nagkataon, tatadyakan ko ‘yung motorsiklo n’ya.

Away ‘yun for sure.

‘Yung next incident e minuto lang ang pagitan. Habang naglalakad papunta sa mismong opisina namin, enjoy na enjoy ako sa malamig na hangin at magandang sikat ng araw kanina (makulimlim na kasi ngayon with a chance of scattered rainshower and meatballs). Pagsapit ko sa tawiran, hintay-hintay din kasi naka-red pa ‘yung light.

Saktong pagka-green, tawid na ‘ko kasama ang iba pang corporate slaves. Medyo nauna ako sa rush kasi mahaba ang biyas ko. Nu’ng nasa may gitna na ‘ko ng pedestrian crosswalk, bigla na namang may sumulpot na motorsiklo sa gilid ko at umarangkada kahit naka-red light sila. Potanginess! May gusto talagang dumale sa ‘kin ngayong araw.

Ang nakakabwisit pa, ‘yung nagmamaneho ng motorsiklo e isang pulis. Oo, pulis! Bakit ko alam? E kasi nakauniporme pa s’ya. Ang kapal lang ng mukha ng hinayupak na tarantadong gagong ‘yun! Naturingan pa man ding law enforcer, tapos s’ya mismo ang hindi sumusunod sa law. E sinong manghuhuli ngayon sa kanya? Bwiset!

Wait, sana pala ginamit ko ‘yung right ko sa citizen arrest. On second thought, naka-motor s’ya at di ko mahahabol. On third thought, may baril s’ya.

Malakas talaga ang pakiramdam kong may kinalaman sa motorsiklo ang papatay sa ‘kin balang araw. Kung di man ako masagasaan, feeling ko e mababaril ako nu’ng mga riding in tandem na uso ngayon.