Paano Mo Ako Mapapakulong

by Sankage Steno

Tutulungan kita.

Hindi ako mamamatay-tao o magnanakaw, so most probably e dahil sa sinusulat ko kaya ako makukulong (o mapapatay). May naririnig kasi akong buzz na baka raw idemanda ako dahil sa isang blog entry na sinulat ko last year. Kung ano ‘yon, hulaan mo na lang. Andami kasing nag-trend kong sinulat e. Yes!

Ayoko namang sabihing “Bring it on!” kasi parang … wait, shet, nasabi ko na.

Para sa ‘yo na gusto akong idemanda, ang tanong ko: Alam mo na ba kung anong kaso ang isasampa mo sa ‘kin? Kung hindi pa, I suggest libel.

Now don’t confuse this with slander. Essentially, pareho silang paninirang-puri o reputasyon, pero ang kaibahan nila ay sa delivery ng message. Pwede mong kasuhan ng slander ang isang tao kapag spoken o oral ‘yung ginawang paninira. Libel naman kung nai-publish o broadcast. At dahil ang blog ay isang form of publication, ibig sabihin nito e libel ang dapat mong isampang kaso sa ‘kin.

Next, anu-ano naman ang grounds o requirements para mapatunayan mong libelous nga ‘yung sinulat ko?

Merong apat na requirements d’yan na naaalala kong tinuro sa ‘min ng mass media law professor ko sa UP Diliman. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Publication – Nabasa o nalaman ba ‘to ng ibang tao maliban du’n sa pinupuntirya ng article? Hindi naman kailangang nasa dyaryo o radyo o TV (o blog). Kahit naiwan mo lang na nakabukas ‘yung sulat mo o computer screen at may nakabasa ng ‘libelous’ statement, pwede mo na s’yang kasuhan. Hatol sa akin: Guilty!
  • Identification – Pinangalanan ko ba ‘yung tao o isang corporation o religious organization? Hindi ba sapat ‘yung sinulat kong balatkayo para pagtakpan ang identity niya o nila? In short, nakasulat ba ‘yung pangalan n’ya/nila sa blog ko? Hatol sa akin: 50/50.
  • Defamation – Siniraan ko ba ‘yung tao? Fine, kahit hindi siniraan, pero pakiramdam ba n’ya o ng iba na may paninirang nangyari kahit hindi intentional? Kinamuhian ba s’ya o iniwasan o pinagbuntunan ng galit at inis dahil sa sinulat ko? Hatol sa akin: Guilty!
  • Malice – Sinulat ko ba ‘yung article kahit alam kong hindi ito totoo? Sinulat ko ba ‘yung article nang walang pasubali kung totoo ba ito o hindi? Hatol sa akin: Not Guilty!

Ang score: 2.5 Guilty v. 1.5 Not Guilty

Ayan, so pwedeng-pwede mo talaga akong kasuhan ng libel. Eto pa, pwede mong i-disregard ‘yung pang-apat na item dahil para lang ‘yun sa mga public official o public figure. Kung private individual ka, kailangan mo lang patunayang mapanira ‘yung sinulat ko at na-publish nga s’ya.

New score: 2.5 Guilty v. 0.5 Not Guilty

Syempre, kung maghaharap tayo sa korte, meron akong gagamiting depensa. Para hindi na mahirapan ‘yung lawyer mo, ilalantad ko na rin dito ‘yung mga posibleng depensa na gagamitin ko (at ng public lawyer ko dahil wala akong perang pambayad sa private lawyer) para hindi matalo sa kaso at makulong.

Defenses Against Libel:

  • Pribilehiyo – Ang mga tama at totoong report tungkol sa isang proceeding (tulad sa korte) ay hindi dapat maging guilty sa libel. Pero dahil hindi naman isang proceeding ‘yung sinulat ko, malabo ‘tong depensa na ‘to for me.
  • Patas na Puna at Kritisismo – Mahirap manalo sa libel case ang nagdemanda kung ‘yung sinulat ay isang opinyon na backed by facts. Dahil sa depensang ‘to, kahit ga’no pa kasakit o katindi ang sinulat ng isang opinion writer, hindi s’ya madadale ng libel.
  • Katotohanan – By definition, ang libel ay kasinungalingan. Kung hindi totoo ang sinulat ko, talung-talo na talaga ako sa laban. Ito ang best defense ng kahit na sinong kinakasuhan ng libel. Ang tanong ngayon: Hindi ba ako nagsasabi ng totoo?

A very important note:
Huwag mo sanang kalimutan na nasa nagdedemanda ang burden (o pasanin) na patunayang hindi nga totoo ‘yung sinulat ng kinasuhan mo ng libel. Hello? Alangan namang ‘yung kinasuhan mo pa ang magpatunay na kasinungalingan nga ‘yung sinulat n’ya. Duh.