Anak ng Pu…

by Sankage Steno

May bago akong nakilala, pero bago ‘yan, konting yabang muna. Galing ako sa Tagaytay kanina. Wala lang, nagpalamig lang; anlamig kasi sa Maynila. Pero bago ‘yun, pumunta pa muna ako sa Batangas. Wala lang din. Gusto ko lang uminom ng kapeng barako. At du’n ko na-meet ‘yung ikukwento ko ngayon. Hindi ‘to related sa love, so sorry to disappoint you/me.

Ang bago kong nakilalang tao e crony ng crony ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Oops, sorry, that’s not so precise. S’ya talaga e crony ng anak ng crony ni Marcos. Malabo ba? Let me rephrase that for you. Ang na-meet ko kanina ay close friend ng anak ng close friend ni Marcos. Ayos na ba? Di pa rin? Okay, trivia muna bago ko lalong linawin for you.

Trivia: Ang ibig sabihin ng salitang ‘crony’ ay close friend o companion. In Tagalog, malapit na kaibigan. Pero dahil sa nangyari sa ating kasaysayan, naging masama na ang dating ng salitang ‘to sa atin.

Going back, itong taong nakilala ko ay hindi naman talaga related kay Marcos. Bale ganito, si Marcos ay may malapit na kaibigan (actually, marami sila). Tapos, ‘tong crony ni Marcos ay may anak (na tawagin na lang nating Anapu, short for anak ng pu… ayun.) At si Anapu naman ay may malapit na kaibigan (na tawagin na lang nating Kanapu, short for kaibigan ng anak ng pu… ayun).

Si Kanapu ang taong na-meet ko kanina sa Batangas.

Mabait s’yang tao, friendly at may genuine smile, sa tingin ko. Matapos ko s’yang ma-interview, nagkwento na s’ya off the record ng mga konting escapades sa buhay, at naikwento nga n’ya ang kanyang kaibigang si Anapu.

Si Anapu ay anak nga raw ng dating crony ni Marcos; therefore, sobrang yaman nila. At kapag sinabi kong sobrang yaman, ganito ang ibig kong sabihin: Pinag-resign ni Anapu si Kanapu para “magtrabaho” sa kanya. Ano ang kanyang trabaho? Samahan si Anapung itago ang mga kotse nito mula sa kanyang tatay.

Sa pagkakatanda ko sa kwento ni Kanapu, hanggang 10 lang kasi ang pwedeng kotseng bilhin ni Anapu, pero dahil nga sobrang yaman nila at walang mapagtapunan ng pera, bili lang nang bili itong si Anapu ng mga kotse na tinatago n’ya sa isa nilang bahay somewhere out there para hindi malaman ng tatay. At hindi biro ang mga kotseng ‘to.

‘Yung tipong Ferrari lang naman, saka Jaguar, saka BMW. Mga mumurahin lang.

Bukod sa pagtatago ng kotse, kasama rin sa trabaho ni Kanapu ang samahan si Anapu sa lahat ng lakad nito anywhere in the Philippines and anywhere in the world. ‘Yung tipong, naisipan ni Anapung pumunta ng Boracay ngayon, go! Punta agad. Tapos punta ng United States, go! Punta agad. Basta wala lang talaga s’yang mapagtapunan ng pera nila. Oo, pera nilang mula sa kaban ng bayan, anak ng pu..!

Dahil pinag-resign ni Anapu si Kanapu sa trabaho nito, bukod sa bagong trabaho ay inofferan din n’ya ang kanyang kaibigan ng mga kotse, Ford Focus at BMW lang naman, pero hindi tinanggap ni Kanapu ‘yung pangalawa. ‘Yung Ford lang ang kinuha n’ya dahil nakokonsensya s’ya sa sobrang kaluhuan ng kanyang kaibigan.

Nai-share pa ni Kanapu sa akin kanina ang trabaho nitong si Anapu. Ito raw ay VP (as in Very Posh) ng kumpanya ng kanyang tatay (na dati ngang crony ni Marcos. Paulit-ulit?) Pero titulo lang ‘yon. Hindi talaga pumapasok sa opisina ‘tong si Anapu. Kuha lang s’ya nang kuha ng sweldo nito kada buwan. O di ba ang saya ng work n’ya? So magkano ba ang sinusweldo ni Anapu?

Hindi ‘to nasabi sa ‘kin ni Kanapu, pero may naikwento s’ya na naging basehan ko sa talagang sweldo ni Anapu bilang VP ng kumpanya ng kanyang tatay (All together now: na dating crony ni Marcos. Paulit-ulit?)

May mga oras daw na itong si Kanapu ay inuutusan ni Anapung mag-deposit ng pera sa bangko. Konti lang naman. Mga milyun-milyong piso lang naman in cold cash ang dinedeposito ni Kanapu sa bank account ng kanyang kaibigan. I mean, barya lang naman ‘yun di ba? Barya lang para sa VP na hindi pumapasok sa opisina at anak ng tatay n’yang dating crony ni Marcos.

Palakpakan!

Imagine that? Isang crony pa lang ni Marcos ‘yan, so pa’no pa ‘yung iba n’yang malalapit na kaibigan noon? At pa’no pa mismo sina Marcos? Gaano ba talaga sila kayaman? At ikaw na nagbabasa nito, magkano sinusweldo mo buwan-buwan?

http://spatialorientationblog.files.wordpress.com/2011/11/crony-capitalism.jpg