Sa Gitna ng Madilim na Dagat

by Sankage Steno

Nakatayo lang ako sa may viewing deck ng barko. Pinapanood ko ‘yung mga puti-puting alon na nililikha nu’ng elisi sa ilalim ng sinasakyan ko. Alam kong malakas ‘yung pwersang nilalabas ng makina, pero dahil sa sobrang laki ng dagat, pakiramdam ko e usad-pagong (‘pag nasa lupa) lang ‘yung andar namin.

Kanina pa nagdilim; lumubog ‘yung araw ilang oras na ang nakalipas bago pa ako nakasampa sa barko, kaya wala akong magamit na dahilan para makapag-emo nang matinde maliban sa malamig at nakakanginig na simoy ng hangin. Buti na lang at dala ko ‘yung scarf kong isang taon ko nang hindi nilalabhan. Hindi pa naman s’ya mabaho e, kaya okay lang.

Pota. Lumalakas ‘yung hangin. Baka di lang ‘yung scarf ko ang tangayin, baka pati ‘tong computer ko e dalhin ng hangin sa pusod ng dagat. Hindi pwedeng mangyari ‘yon. Na-attach na ‘ko sa gamit kong ‘to, at siguradong mahihirapan akong makapag-move on kapag nawala ito o nasira.

Move on talaga?

Shet, ba’t ba napunta ako sa topic na ‘yon? Mukang kahit anong iwas, kahit sa’n ako magpunta at kahit anong oras pa ng araw, lilipad at babalik pa rin ‘yung utak ko sa topic na ‘yun. Nakakainis. Hindi ko mautusan ‘yung isip kong ‘wag mag-isip. Posible ba ‘yon? Kapag ba nag-yoga ako o deep meditation, magagawa kong gawing blangko lang ‘yung isip ko?

Ewan. Wala naman akong balak na kumalimot talaga. Mahirap makalimutan ‘yung mga bagay na nagbigay sa ‘yo ng matinding emosyon. Kahit burahin ko pa ‘yung number n’ya sa cellphone, i-unfriend s’ya sa Facebook at itapon ang lahat ng binigay n’ya sa ‘kin noon, hindi ko pa rin s’ya makakalimutan nang tuluyan. Mautak ang utak e.

Mabuti na lang at naiplano ko ‘tong bakasyon na ‘to bago pa kami magkalabuan. At least, kahit papa’no, malilibang ako nang ilang araw at pansamantalang makakalimutan ‘yung mga iniwan n’yang alaala. Alaala. Parang ang ganda nu’ng salitang ‘yon. Parang lang naman. Baka napapangitan ka du’n e. Baka ‘pag nagkaanak ako, ‘yun ang gawin kong pangalan: Alaala.

Tapos nickname n’ya e Ala, parang diyos lang.

Sandali, may paparating. Gusto rin yatang mag-emo. Ayos lang naman sa ‘kin, basta ‘wag lang s’yang tatabi sa kinalalagyan ko. Panira ng moment e. Du’n lang dapat s’ya sa malayo.

Shet, ba’t parang dito s’ya sa pwesto ko papunta. Kilala ko ba ‘to? Naging estudyante ko ba s’ya dati? Nakatrabaho ko ba s’ya sa isa sa mga na-cover kong events? Kababata ko ba ‘to? Oy, in fairness, di na masama ‘yung face value n’ya. Sana lang masarap din s’yang kausap. Sana may sense. Wait, takte. Balak nga yata akong tabihan.

Shoot, teka, ‘wag ka dito pupunta. Awkward. Nakikita ko pa rin sa periphery ng vision ko ‘yung katawan n’ya. Ba’t ba gusto nitong umepal? Please lang, give me my moment. Du’n ka na lang sa malayo pumwesto. Ano ba? Nauna ako dito. This is my turf. Well, temporary turf. D’yan ka lang, please.

Ha? Ano? Gusto mong makipagkilala?