Hala Bira! Sadsad Ta!

by Sankage Steno

Naalog yata ‘yung utak ko sa unang sadsad pa lang. Hayaan mo ‘kong magpaliwanag maya-maya sa ibig kong sabihin. Sa ngayon, pasensyahan muna. Sorry, medyo late na ‘tong post ko. Ayoko naman kasing intindihin pa ‘tong blog ko kesa du’n sa experience na makukuha ko sa, unexpectedly, super sayang Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan. Alam ko masaya s’ya, festival nga e, pero iba talaga kapag ikaw na mismo ‘yung nakaranas.

Ano ‘yung sadsad? ‘Yun ‘yung tawag nila kapag sasama ka sa parada at makikipagsayaw. Isasadsad mo ‘yung mga paa mo sa lupa at iindak alinsabay du’n sa dagundong ng mga tambol.

Pagkababa ng mga gamit sa kaibigan naming couch surfer (I won’t mention your name anymore, pero sobrang maraming salamat sa pagpapatuloy sa amin sa iyong tahanan. One of the best parts of my stay there e ‘yung hospitality ninyo na tatak Pinoy talaga.), sugod agad sa town plaza para sumadsad. Hindi ko pa gamay ‘yung konsepto ng sadsad noong una, pero oras na narinig ko na ‘yung mga tambol, kusang gumalaw ‘yung mga paa ko at sumabay sa saliw ng tugtugin.

May sarili yatang isip ‘yung mga paa at binti ko. Hindi ko mapigilan kung minsan.

Sa sobrang f na f ko ‘yung kasiyahan, hindi ako nakuntentong sa gilid lang ng daan sumasayaw. Nakigulo na rin ako sa mismong gitna ng kalsada, sa gitna ng mga tribong kay gagara at kay gaganda ng costume, para sumayaw … or to be more precise, para magwala.

Nakakabaliw pa kasi parang nananadya ‘yung mga nagtatambol. Kapag napapalapit sila sa ‘kin, lalo nilang bibilisan ‘yung tempo at lalakasan ‘yung hampas. E syempre mapapabilis at mapapalakas na rin ‘yung sadsad ko. Crazy. I have a video, pero sa Facebook ko lang ilalagay. ‘Yun lang ang afford ng hiya ko e. Parang ganito ba:

Sankage Steno: Ale, pabili nga po ng hiya.

Ale: Sorry, hijo, naubusan kami. Wala kaming tindang hiya kapag Ati-Atihan.

Sankage Steno: A ganu’n po ba? Sige po, salamat.

Hala, sige, bira kung bira! Sayaw lang nang sayaw kahit pinagtitinginan na ng mga tao. Walang pakialamanan. ‘Yun ang maganda sa Ati-Atihan. Di tulad sa Sinulog at Dinagyang (o kung ano pa mang festival sa bansa) na kadalasan e bawal makisayaw sa mga pumaparada, sa Ati-Atihan, kebs lang sila. Okay lang kahit gumitna ka at makigulo sa parada. Sayaw hanggang sa maalog ‘yung utak mo at lalo kang mapasayaw sa kabaliwan.

At ito ang nagpaalog lalo sa utak ko: Habang sumasadsad, tumatagay ang ilan sa mga pumaparada. At dahil hospitable tayong mga Pinoy, dinadamay na rin nila ‘yung mga nakikisadsad. Tagay lang nang tagay ng Tanduay, San Miguel, Ginebra, Red Horse, atbp. Jusko, halu-halong alcohol na ‘yung nasa tiyan ko, tanghali pa lang. E di lalong masaya. Idagdag mo pang halos mabingi na ‘ko sa walang tigil na tambulan buong araw.

Ibang klase talaga.

Saka ko lang naintindihan ang ‘sadsad.’ Du’n ko lang din napagtanto kung bakit “Hala bira!” ang sigaw nila kapag sumasadsad. Mapapa-bira ka naman talaga. At hala, go, attack, drop it like it’s hot!

Ito na yata ang pinakamatindi kong sayaw, at sa kalye pa of all places, sa harap ng maraming tao (except ‘yung sa Boracay the day after na saka ko na lang ikukwento). Naku, nate-tempt akong ilabas ‘yung video, pero hinde. I can control myself. This blog is for words and words alone. Bawal ang video. Pero pwede ang picture. Eto ang isa para matapos na ‘tong entry ko ngayon: