Karapatan Nating Magreklamo

by Sankage Steno

Kaya nga nadiskubre ng tao ang language/wika e, kasi kailangan n’yang ilabas ang hinaing, magsumbong at humingi ng saklolo. Kaya naman magrereklamo ako ngayon, at ang irereklamo ko ay baka ikapahamak ko na naman. Jusko. Naghahanap talaga ako ng gulo (hindi ng away, ha).

Nasiraan kasi ‘yung sinasakyan kong bus kaninang madaling-araw sa gitna ng North Luzon Expressway. ‘Yung bus na nasira e mahigit dalawang dekada ko nang sinasakyan, at hindi ito ang unang pagkakataong nasiraan kami sa gitna ng NLEX. Kung bakit naman kasi du’n pa of all places, kung sa’n mahirap sumakay at exposed kami to the elements.

Papatulog na sana ako, pero biglang nagkaingay sa loob ng bus. Pagdilat ko, nakita ko na lang ‘yung mga taong nagtatayuan at ‘yung konduktor na nagpapababa sa aming mga pasahero. Hindi ko naintindihan ‘yung paliwanang n’ya, pero parang nasira yata ‘yung gulong. Nu’ng tumayo ako, naamoy ko ngang parang may sunog.

Maraming beses nang nasiraan ‘tong bus na ‘to, dati nu’ng pauwi naman ako galing Maynila. Madalas ko rin nakikita sa NLEX ‘yung iba nilang bus na sira, tapos ‘yung mga pasahero nu’n e ililipat sa bus namin. Kanina, turn ko namang lumipat sa iba nilang bus.

Du’n kami nasiraan sa tapat ng ginagawang Philippine Arena. (O di ba? Ang ganda ng setting.) Pero sa halip na kumpunihin ang sira, pinababa nga kami kahit sobrang lamig sa labas. Wala pang alas-sais no’n e. Buti na lang may dala akong scarf, so kahit papa’no e may panangga ako sa lamig.

Nakakairita lang kasi nga naputol ‘yung tulog ko, naabala kami at hindi man lang inayos ‘yung bus. Pinaghintay kami sa labas. Mas okay pa ‘yung mga bus sa probinsya. Kahit mukhang kakarag-karag, matibay naman at may contingency plan kapag nasiraan.

Let me mention G.L. Trans na bumibyahe sa Baguio-Sagada-Baguio. Nu’ng minsang pumunta ako sa Sagada, sumabog ‘yung gulong ng bus habang papaakyat sa bundok, malapit sa bangin, pero hindi kami napahamak. Ni hindi nga rin huminto ‘yung bus para tingnan kung anong gulong ‘yung sumabog.

Marami kasing gulong ‘yung bus nila, so kahit may sumabog na isa, makakayanan pa ring umakyat ng bundok. Expected na kasi nilang pwedeng masiraan anytime sa byahe. E ‘yung sinakyan kong bus kanina, walang ganu’n, samantalang mukhang bago pa naman ‘yung sasakyan nila. Hindi nga rin yata sanay magkumpuni ‘yung driver at konduktor nila.

Ga’no ba kamahal i-train ang empleyado nila o magpa-seminar man lang para maturuan ng basic troubleshooting ‘tong mga empleyadong ‘to? Malaki naman for sure ang kita ng bus company na ‘to kasi sila lang ‘yung nag-o-operate sa may amin. Parang monopoly. ‘Yung dati kasi nilang kakumpetensya e nawala na. Nangyari ‘to after yatang magbanggaan silang dalawa sa NLEX din. Natalo yata sa demandahan ‘yung competition. ‘Yun ang naaalala ko.

Buti na lang hindi kami nabangga o nasaktan. At least simpleng sira lang. But still!

In fairness, wala nang major accident akong nabalitaan regarding this bus company. Safe naman magmaneho ‘yung drivers nila at friendly din ang mga konduktor.

‘Yun nga lang, madalas masiraan. Mahilig din silang mag-overload, parang MRT lang. Tapos medyo masikip din ‘yung leg room in between seats, e ang haba pa naman ng biyas ko. Tiis-tiis na lang din. May incidents din na pinapatay nila ‘yung A/C unit bago pa makarating sa destinasyon. Minsan naman, sobrang lakas kaya sobrang ginaw din. Sala sa init, sala sa lamig.

Anyway, nakalipat naman kami sa ibang bus after 20 minutes. Syempre, hindi na ‘ko nakaupo du’n sa nilipatan namin. Standing room only, so hindi ko na rin nakuhang umidlip. Hindi naman ako ganu’n ka-gifted para makayang matulog nang nakatayo.

Ayos na sana ang lahat e kasi nakahanap na ‘ko ng komportableng posisyon habang nakatayo. And then it happened.

Habang pinanonood ko ‘yung backpack kong nakahiga sa overhead bin, biglang may ipis na lumabas at nilibot ‘yung bag ko. Pucha. Buti hindi ako kagaya nu’ng kaibigan kong nagtititili kapag nakakakita ng ipis. At buti na lang din, hindi lumipad ‘yung ipis. Hindi naman ako sisigaw, pramis. Pero gagawa ako ng gulo, that’s for sure.

Kaya sa may-ari ng bus, sana naman masolusyonan ‘yung mga sasakyan n’yong laging nasisiraan. Laking abala e. At pakilinisan din para hindi iniipis. Sayang naman ‘yung loyalty naming mga customers n’yo. (As if may choice kaming ibang bus.)

Or maybe that’s the solution. Baka oras nang tapatan ‘tong bus company na ‘to. Wala kasing kakumpetensya e, kaya hindi tuloy napapagbuti ‘yung serbisyo.

Nagrereklamo lang, walang personalan.