Buddha and Dragons

by Sankage Steno

Saan ba nakuha ng tao ang ideya ng dragon? Sa pagkakaalam ko, hindi lang mga Tsino ang may ganitong paniniwala, kahit mismo tayong mga Pilipino ay may bersyon ng dragon. Bakunawa yata ang tawag ng mga katutubo sa lokal na dragon.

Ngayong araw lang, nakakita ako ng hindi bababa sa pitong dragon. May kulay pula, dilaw, luntian, lila, kahel at iba pa. Ang nakakalungkot lang, hindi sila lahat totoo. Yari lang sa makukulay na tela at papel na binubuhat ng maraming tao habang sinasaliwan ng mga tambol at pompyang. Oo, tama ka, galing ako sa Chinatown.

Gong xi fa cai! Xin nian kuai le!

Isa pa sa mga napansin ko sa mga dragon and lion dances na napanood ko e ‘yung bolang nasa harapan ng lahi ni Shenron. ‘Yung bolang ‘yun e susundan ng dragon kahit sa’n magpunta, at never pa ‘kong nakakita ng depiction ng dragon na nakahuli sa mahiwagang bolang ‘yon. Kahit pa ‘yung nasa mga templo nila e hanggang tingin lang o habol.

Napapansin mo ba ‘yung dalawang dragon sa ibabaw ng mga bubong ng Buddhist o Taoist Temples? Sa gitna nila e merong bilog o bola na parang gustong lamunin o pag-agawan ng dragons. Hindi ko alam kung ano sinisimbolo nu’n, kaya ginoogle ko s’ya.

Alam mo kung ano lumabas? Dragon Ball.

Putek, walang kwenta. Hindi ko pa rin tuloy alam kung ano ang ibig sabihin nu’ng bolang hinahabol ng dragon. At bakit hindi n’ya mahuli-huli ‘yon? Nakakalipad naman ang mga dragon, di ba?

Ayun, hindi ko na pinag-isipan masyado. Nagdasal na lang ako kay Buddha o sa mga Buddha. Ang dami kasing golden statue doon sa loob. Hindi ko alam kung Hindu ba ‘yun o Buddhist o Taoist. Ambobo ko lang sa Oriental religion. Laking Katoliko kasi ako. Kainis.

Ang ginawa ko, nagdasal ako the buddhist way. Pumunta ako sa Seng Guan Temple sa may Narra Street. Nagsindi ng dalawang insenso at nanalangin. Hindi ko rin alam kung ano ‘yung dapat dasalin at kung bakit ganu’n ‘yung ritwal nila. Basta ginaya ko lang.

Lumipat ako ng pwesto, du’n sa harap ng pinakamalaking imahe ng Buddha na kulay tanso (o ginto?). Lumuhod ako sa gitna ng lotus na disenyo ng sahig. Nag-Amen ako. Fine, nope, pinagsumpong ko ‘yung dalawang palad sa harap ng mukha at inalug-alog.

Tapos nu’n, idinampi ko nang tatlong beses ang aking noo sa sahig, at sa bawat pagdampi ay inilalahad ko yung dalawang palad sa harapan, sa gilid ng mga pisngi. Nag-level up yata ako spiritually.

Humiling na lang din ako kay Buddha kahit hindi naman s’ya diyos. Sabi ko, “Buddha, help me to be enlightened.”

Advertisements