The Fault in Our Araw

by Sankage Steno

Feeling ready-to-die na ‘ko kanina habang naglalakad papasok sa opisina. Ang ganda kasi ng panahon, hindi mainit at hindi rin maginaw. Nadaan pa ‘ko sa parke. At makulimlim, which is perfect for walking. Ni hindi nga ako pinagpawisan ni gabutil kahit 15 minutes akong naglakad. Di pa ‘ko late.

E ‘pag ganitong umaayon lahat sa ‘kin ang bagay-bagay, lalo akong kinakahaban. Alam ko kasing there’s no such thing as free lunch, laging may trade-off, di ba Mareng Winnie? So, ayun, habang sine-savor ko ‘yung moment kanina, sa gilid ng utak ko e naghahanda na ‘kong mamatay.

Ang morbid ba?

Okay lang ‘yan. Try mo minsang isipin na mamamatay ka na, at du’n mo mafi-feel na lalo mong gustong mabuhay.

Pagdating ko naman sa opisina, wala ‘yung boss. Naka-leave. Sa loob-loob ko, the stars must have aligned for me this day. Hindi ko pa nababasa ‘yung horoscope ko ngayon sa dyaryo, pero feeling ko hindi ko na kailangan pang gawin ‘yon dahil ayos na e. Sisirain ko pa ba?

Lalo tuloy lumakas ‘yung kutob ko, pero lalakas pa ‘yan sa pagbukas ko ng computer.

Syempre, una kong chineck sa Internet ‘yung balita, at tumambad sa ‘kin ‘yung banner headline ng Inquirer.net: Jobless Filipinos hit 12.1M

Ang swerte-swerte ko talaga ngayong araw. Sorry, pero ito talaga ang isang epekto kapag nakakabasa ka ng masasamang balita. Naikukumpara mo ‘yung sarili mo at naiisip mong mas maswerte ka pa rin sa buhay. At totoo naman, kasi alam kong hindi ako kabilang du’n sa 12.1 million Pinoys na walang trabaho.

Kakalipat ko lang sa bagong opisina, and so far, wala akong masabing masama. Oh, wait, just before I wrote this sentence, may lumapit sa likuran ko, ‘yung service guy nila rito, at inabot n’ya sa ‘kin ‘yung bago kong ID. That’s not the best part. Eto: ampogi ko sa picture.

Yehes!

Bibihira lang kaya akong maging photogenic sa ID photos. Isang signos na naman ito na may masamang mangyayari sa ‘kin ngayong araw. Leche, sobrang paranoid ko. Ako na nga ‘tong sinuswerte, ako pa ‘tong nag-iisip ng masama. Hindi ba pwedeng tanggapin ko na lang without reservation ang mga biyaya?

Apprently, hinde.

Curse my journalistic training! Lagi akong nagdududa. My doubts have served me well in the past, but at the moment it’s working against my own happiness. So hindi ‘to maganda. Kailangan makahanap ako ng isang bagay na sisira ng araw ko.

Wait, meron na yata. Read this. Eto ‘yung conversation ng isa kong kasamahan. Tumawag yata sa kanya ‘yung anak n’ya. Umiiyak ‘yung bata.

Mommy: Oh why are you crying? What? I can’t understand you, baby.

Sorry, Inglisera ang family.

Mommy: Don’t cry, baby. We can fix the problem. There’s a button on the side of the iPad. Yes, baby. Don’t cry. We can fix the problem. The volume is on the side of the iPad. I’ll text you na lang. Don’t cry.

#FirstWorldProblems #SiraAgadAngArawKo