Masikip, Mainit, Matagal

by Sankage Steno

Simula mamayang 10pm, mag-iinit na ang katawan at sasakyan ng lahat ng nasa Kalakhang Maynila dahil sa paninikip ng mga pangunahing daanan dito bunga ng pagsisimula ng paggawa sa dalawang malaking proyekto ng pamahalaan. At siguradong matatagalan pa ‘to bago matapos.

Para sa mga ignorante pa rin hanggang sa ngayon dahil hindi sila sanay manood, makinig o magbasa ng balita, gusto kong ipaalam sa inyo (with a heavy but hopeful heart) na gagawin na ang stage 3 ng Skyway Project. Pagdudugtungin na ‘yung Buendia/Gil Puyat-end ng SLEX sa Makati at ang Balintawak NLEX sa Quezon City.

Bukod pa d’yan, sabay ding sisimulan ‘yung pagtatayo ng expressway na magdurugtong sa NAIA at sa seaside Entertainment City (Eto ‘yung sinasabing Macau o Las Vegas ng Pilipinas).

So just imagine kung ga’no katindi ‘yung bigat ng trapikong idudulot nito dahil sa construction na mangyayari. Ang estimate pa sa balita e baka raw hanggang sa pag-alis na ni PNoy sa pwesto matatapos ‘yung mga kalsadang binubuo. That’s roughly three years na pagtitiis sa matindi-na-pero-lalo-pang-pinatinding traffic sa Metro Manila.

Isang malaking gudlak talaga sa ‘ting nasa MM.

Ewan ko kung makakatulong ‘yung mga alternate route na pinalabas kanina (see image below), pero tingin ko di rin masyado kasi traffic din ‘yung mga kalsadang ‘yun e kahit walang construction o ulan. Masusubukan na naman talaga ang pasensya nating mga Pinoy dito. Sana lang may iba pang paraan para mapabilis ‘yung paggawa o maibsan ‘yung trapiko or both.

Tapos darating pa ‘yung summer. Ay sus ginoo. E hindi naman lahat ng tao magaling kumontrol ng emosyon. For sure darami ang kaso ng road rage at aksidente, pero ‘wag naman sana.

Hindi rin naman lahat ng tao e nae-enjoy ‘yung traffic. Ako minsan lang kapag gusto kong mag-isip-isip o kapag ayaw ko pa talagang makauwi. Ang ginagawa ko minsan, nanonood ako ng mga tao at sasakyan, inoobserbahan ko sila, at saka ako bumubuo ng mga ideya o kwento sa utak, o kaya naman e kinokonekta ko sa mga karanasan ko.

‘Pag sinuwerte, napupukaw akong sumulat ng blog o tula o kwento, depende sa maiisip ko. Minsan naman, pure entertainment lang, ‘yun bang tatawa ako sa sarili lang, ‘yung patago, for fear na baka may makakita sa ‘kin at pag-isipan akong kalalabas lang sa Mental, e ang lapit ko pa naman du’n sa sikat na ospital sa Mandaluyong.

Panahon na sigurong i-update ang playlist ko sa phone para sa mahaba-habang byahe. Since summer naman, dadamihan ko ‘yung reggae songs. At maglalagay din ako ng ilang classical music para pampakalma kapag malapit nang mapatid ‘yung pisi ko.

Ikaw naman, bahala kang umisip ng sariling paraan para makaraos sa paghihirap na ‘to. Iba-iba kasi tayo ng timpla at kiliti sa katawan. Ayoko namang ipilit ‘yung akin sa ‘yo, although pwede mo ring subukan. Parang love lang ‘yan e, natutunan din pagtagal-tagal kung bibigyan ng pagkakataon. Leche. Ano ‘yon?