Sa Parke

by Sankage Steno

3:03pm

Ayan ka na naman sa paboritong pwesto mo sa parke, at heto pa rin ako sa nag-iisang pwesto ko sa opisina. Hindi naman sa ayaw ko sa kinalalagyan ko; masaya nga ako’t dito ako nalagay malapit sa bintana. At least natatanaw kita tuwing hapon.

3:07pm

Anong flavor kaya ‘yung frappe na iniinom mo nang dahan-dahan? Mocha kaya? Ang sure lang ako e hindi s’ya green tea. Kailan kaya kita masasabayang uminom n’yan d’yan sa bangkong inuupuan mo? Papayag ka kaya kung tatabi ako sa ‘yo kahit hindi naman tayo magkakilala?

3:11pm

Napangalahati mo na ‘yung iniinom mo habang nagpapahinga. Iniisip ko kung ano ‘yung mga tumatakbo sa isip mo habang nakaupo d’yan sa labas. Mukhang nanonood ka lang ng mga taong dumaraan, pero sigurado akong may iniisip kang malalim. Siguro umaasa kang may isang taong bigla na lang lalapit sa ‘yo at magpapakilala.

3:15pm

Buti pa ‘yung asong napadaan lang, nginitian mo, samantalang ako, ni hindi mo alam na nakatanaw sa ‘yo sa malayo at umaasang papansinin mo kahit saglit. Teribleng aso ‘to, nakuha pang lumapit sa ‘yo, at ikaw naman, masayang-masaya kang nakipaglaro pa sa kanya. Kung naging ako kaya ‘yung aso, ngingiti at makikipaglaro ka pa rin ba?

3:21pm

Ang lakas ng hangin. Di ko naman maramdaman. Pero ikaw, I’m sure, alam mo ‘yung pakiramdam ng hangin na ‘yan. Ang alam ko lang sa ngayon e ‘yung lamig ng aircon dito sa office na walang kabuhay-buhay. Nakakaantok pa. Sana naging hangin na lang ako para nalalapitan kita at nahahaplos ang mukha.

3:27pm

Ang sarap mo talagang panoorin kahit nakaupo ka lang d’yan. Marami namang ibang taong gumagamit n’yang bangko araw-araw, pero sa ‘yo lang talaga ako nalilibang at nag-aaksaya ng oras. Kahit nga trabaho napapabayaan ko minsan kapag pumwesto ka na d’yan. Hay. Kailan kaya kita malalapitan at makikilala?

3:33pm

Bye-bye. Alam kong aalis ka na, pero di ko alam kung sa’n ka patungo. Sana sa ‘kin na lang. Kaso nakakulong pa rin ako sa opisina. Hindi ako makalabas dahil sa mapang-alipin na company policy. Pero di bale, alam ko namang babalik ka bukas. Sana bumalik ka naman ‘pag oras ng uwian ko. Andu’n lang ako sa paborito mong pwesto, nag-aabang.