Sorry na lang sa ‘kin

by Sankage Steno

Kapag tapos na ‘yung trabaho ko at nakatanga na lang sa computer, kunwaring busy-busyhan, iniisip kita. Joke lang. Kahit nagtatrabaho ako, sa kalagitnaan ng pag-e-edit ng mga pangit na article at sa pagdurugo ng utak ko para makahanap ng mga tamang salita habang nagsusulat, naiisip iniisip kita.

Akala ko kapag nagpakaabala ako sa trabaho at sa mga libangan ko, makakalimutan kita. Akala ko rin, kapag hindi na tayo nagkikita at malayo na sa isa’t isa, hindi na rin kita maaalala pa. E hindi ganu’n ‘yung nangyari.

Sinubukan ko namang tumanggap ng ibang tao sa buhay ko. Actually, sinusubukan ko pa rin hanggang ngayon. Ayoko naman kasing umasa habambuhay sa wala. Saka, malay mo, baka ang solusyon lang para tuluyan kitang makalimutan e ‘pag nakahanap na ‘ko ng ipapalit sa ‘yo. Feeling ko ‘yun lang talaga ang paraan e.

Muntik na nga akong magtagumpay nu’ng isang taon.

May nakilala kasi akong bago. E sinuwerteng gusto ko s’ya at gusto n’ya rin ako. Pinush ko na. Ayan na e, tatanggi pa ba ako? So, ayun, masaya naman. Pa-date-date. Kain dito, nood ng sine do’n, kanta sa videoke, ‘yung mga bagay na dapat sana e sa ‘yo ko ginagawa, ginawa namin. At hindi ko itatangging masaya ako nu’ng mga panahong ‘yon. Kaya inisip ko ngang nakalimutan ko na ‘yung nararamdaman ko sa ‘yo.

E biglang nagkalabuan. Hindi ko alam pero bigla na lang lumamlam ‘yung pagtitinginan namin. Natapos ‘yung madalang naming pagkikita at nauwi sa pa-text-text na lang. Sa huli, ayun, nauwi rin sa wala. At tulad nu’ng nangyari sa ‘tin noon, walang matinong closure akong nakuha. Nganga na lang.

Ang galing ko na ngang ngumanga e. Biruin mo, kung bibilangin ko ‘yung ilang taong nakanganga ako sa ‘yo at ‘yung mga in-entertain kong ibang tao na pinanganga rin ako, aba, e lagpas kalahating dekada rin ‘yon. Kung nag-aral ako sa university, hindi lang bachelor’s degree ang natapos ko, pati MA. Dahil d’yan, may master’s degree na ako sa pagnganga.

Funny. Sobrang saulado ko na ‘yung kultura nating pagbibiro para maibsan ‘yung hirap na pinagdaraanan. In fairness naman, mabisa s’ya. Napapatawa ko talaga ‘yung sarili ko sa mga kagaguhan ko. ‘Yun nga lang, pagkatapos ng tawa, kapag nawala na ‘yung mga kemikal na nagpapasaya sandali sa katawan ko, balik na naman sa kabagutan at, incidentally, sa kalungkutan.

Maiisip na naman kita.

Alam mo kung bakit sinasabi ko ‘to ngayon? Kasi kaya ko. At hindi ako takot.  Ang hirap din kasi kung uunahin ko lagi ‘yung takot. E di mamamatay akong walang nararating maliban du’n sa lugar na binakuran ng takot ko. At hindi malawak ‘yung mundong ‘yon. Napakasikip. Ang hirap huminga.

Well, humaba na naman ‘to. Shet. Gusto ko lang namang malaman mo na iniisip pa rin kita pitong taon simula nu’ng una kitang makilala. Siguro tatanda at mamamatay akong ginagawa ‘to. Andami ko nang nasubukang paraan para lumimot, kaso laging may relapse. Hopeless case na ‘to, I think. Tiis-tiis na lang forever. E, wala e, ganu’n talaga. Sorry na lang sa ‘kin. Bobo talaga ako sa ganitong aspeto ng buhay.