Vigilante

by Sankage Steno

Di ko sinasadyang napakinggan ‘yung usapan ng dalawang machopapa sa likuran ko habang kumakain kanina ng tanghalian. Natutuwa pa ‘ko nu’ng una dahil alam mong machopapang-machopapa talaga sila kung magsalita. Very manly na kapag nagsabi ka ng girly na word like “hello” o “kitty” e siguradong uumbagin ka nila.

Ganito ‘yung una nilang pag-uusap (not verbatim)…

Machopapa 1: Du’n sa Boni, bawal U-turn, ta’s ‘yung nasa unahan kong kotse biglang nag-U-turn. Du’n pa mismo sa harap ng traffic enforcer. Di man lang sinita.

Machopapa 2: Ako gusto ko lang maging traffic enforcer kahit isang araw. Isang araw lang. Huhulihin ko lahat ng mga loko-lokong di marunong sumunod sa batas.

Katuwa ‘no? Parang matitino silang mamamayan na may pinag-aralan, may magandang trabaho, nagbabayad ng tamang buwis at, higit sa lahat, sumusunod sa batas. Hanggang sa napunta ang usapan nila kay Mayor Duterte ng Davao City.

Machopapa 1: Kung ke Duterte ‘yan, di ‘yan uubra.

Machopapa 2: Patay agad ‘yan.

Machopapa 1: Sabi dapat tumakbo s’yang presidente. Me ano kasi s’ya, ‘yung willpower ba… Political will. Political will pala. ‘Pag may magnanakaw, baril agad. Papapatay n’ya pati mga durugista, mamamatay-tao…

Machopapa 2: Sama na rin n’ya mga bakla.

Tumayo ako at binuhat ‘yung inuupuan kong silya. Tapos pinagbabayo ko silang dalawa hanggang sa lumutang sila sa sariling dugo. Nang sigurado na ‘kong patay na sila, saka ko tinakpan ng dyaryo, ‘yung Manila Bulletin. Pagkatakip, lumakad ako paalis para bumalik sa opisina.

Syempre hindi ko talaga ginawa ‘yon, pero naramdaman ko talaga ‘yung pagsakit ng leeg ko at pagkabog ng dibdib dahil du’n sa narinig ko. Gusto ko sanang sumabat sa usapan nila at lecture-an sila tungkol sa LGBT, kaso naalala kong hindi na nga pala ako prof para mag-lecture. Naisip ko rin na kung sasabat ako, baka pagtulungan nila akong dalawang bugbugin, e pareho pa naman silang malalaking mama. Machopapa nga e.

Nakinig na lang ako sa pag-uusap pa nila.

Machopapa 2: Dapat me vigilante tayo.

Machopapa 1: Para sa’n?

Machopapa 2: Vigilante na papatay sa mga bakla para mabawasan. Sana me gano’n para matakot mag-cross dress ‘yung mga bakla. Nang mabawas-bawasan naman sila. Dami na nila e.

Hindi ko alam kung bakit ganito na lamang kalaki ang galit ng machopapang ito sa mga bakla. Siguro nu’ng bata s’ya e ni-rape s’ya ng isang maskuladong bakla sa kanilang baryo. Pwede rin namang na-chupa s’ya ng kaibigang bakla nu’ng minsang nag-inuman sila at nalasing. Siguro bakla s’ya deep inside kaya ganito na lang ang kanyang homophobia. Baka takot lang s’yang ma-label-an na bakla rin. The possibilities are infinite.

Pinilit ko na lang intindihin ‘yung dalawang machopapa sa likuran ko kahit nanggagalaiti na ‘ko nang tahimik. Sa isang banda, nahihiya ako sa sarili ko dahil hindi ko sila kinonfront. On the other hand, naisip ko rin namang kahit i-confront ko sila e hindi naman agad-agad e mababago ko ‘yung paniniwala nila sa mga bakla. Gaya nga ng nasabi ko, baka bugbugin pa nila ako. Buti sana kung one-on-one lang.

Sa dalawang machopapang nakasabay kong kumain, sana hindi na dumami ang katulad ninyo. Hindi po pinipili ang pagiging bakla. You are born one, period. Kung ayaw n’yo sa gay community, dapat siguro tigilan n’yo na rin ang panonood sa porn ng dalawang lesbianang naglalaplapan.