To Butternut, with love

by Sankage Steno

May aaminin ako.

Pagpasensyahan mo na sana kung ngayon lang ako magkakalakas ng loob na magtapat sa ‘yo. Lately kasi, ang hirap mo nang ma-reach. Bigla ka na lang naging pakipot sa ‘kin, lagi naman kitang tinatangkilik. May nagawa ba ‘kong mali? Nasasakal ka na ba sa ‘kin? Kung makakapagsalita ka lang sana, hindi na ‘ko mahihirapan nang ganito. Maaayos ko agad kung ano man ‘yung gusot.

E kaso donut ka lang.

I didn’t mean to sound derogatory. Ang ibig kong sabihin, donut ka lang at hindi tao na nakakapagsalita, so hindi ko alam kung ano ‘yung problema mo. Alam mo kasi, napansin ko lang, bihira na kitang makita sa Dunkin’ Donuts. Kung hindi ka ubos, out of stock naman. May panahon pa ngang nawala ka, pati ‘yung kapatid mong si Choco Butternut. What went wrong?

Tapos nalaman-laman ko na lang through a friend na available ka na pala ulit. Kaso nag-iba ka na. ‘Yung kapatid mo, naging special donut na, nagmahal by P15. Ikaw naman, my dearly beloved Butternut, ganu’n pa rin ang presyo. Thank God. Pero sa ibang store, nagmahal ka na rin. Bakit napaka-inconsistent mo?

Tulad na lamang kanina, after kong mag-lunch. Pumunta ako sa Dunkin’ Donut store na malapit sa office. Actually, may kalayuan s’ya, mga two blocks. Malayo rin ‘yun a lalo na kung mainit sa labas, pero tiniis ko ‘yun para lang makita ka’t matikman. Pagdating ko sa store, wala ka. Wala na. Ubos na. Nalungkot talaga ako.

Buti na lang at andu’n pa ‘yung mga anak mo, sina Munchkins. Pinagtyagaan ko na lang sila in your place. Masarap din naman. Ta’s bumili na rin ako ng Choco Kreme, kahit pa ‘yung cream lang talaga ang gusto ko at hindi ‘yung buong donut.

Pero ikaw, Butternut, gustung-gusto kita mula coating hanggang loob. At kahit pa nagiging makalat ako kapag kinakain ka, wala akong pakialam. Sabihin na nilang para akong bata ‘pag kumakain, ‘pag ikaw ang nasa bibig ko, para akong may sariling mundo. At ‘yung mga mugmog mo, sinisinop ko sila at iniipon sa kamay para kainin sa huli. Ganu’n kita kagusto. Simot-sarap!

Alam mo ba, kahit kelan, hindi ka pa nagmintis sa pagpapasaya sa ‘kin. Kapag pagod ako sa trabaho, bibilhin lang kita at sasaya na ‘ko. Kapag bored ako o gutom, tatakbo lang ako sa ‘yo at mapapawi na ‘yung nararamdaman kong di maganda. Kapag uuwi ako sa ‘min sa probinsya, ikaw din ang pinupuntahan ko. Kaso, nitong nagdaang taon, bigla ka na lang nawala sa paborito kong store sa may Cubao. Baket?

Butternut, sana naman lagi kang maging available sa ‘kin. Ayoko kasing nadi-disappoint o napu-frustrate sa pagpunta sa Dunkin’ Donuts. Ikaw lang talaga kasi ang gusto kong makapiling at makain. Pramis! At kahit ilang donut chain pa ang magsulputan d’yan sa paligid, hindi ko sila tatangkilikin. Sa ‘yo lang ako loyal forever.

Ikaw lang talaga, Butternut, wala nang iba.

Advertisements