Pa-love-bok

by Sankage Steno

May kakaiba akong nararamdaman kapag kumakain ng Palabok Fiesta sa Jollibee. Hindi s’ya tuwa e, pero hindi rin naman kalungkutan. It’s sort of something in the middle. Kumbaga sa ketchup, UFC s’ya, may tamis-anghang, pero hindi matamis at hindi rin maanghang ‘yung palabok. Ginamit ko lang na analogy.

Ayoko sanang ikwento ‘to dahil baka masabihan akong “TMI,” e kaso madaldal talaga ‘yung mga daliri ko. Ayaw paawat sa kakapindot sa keyboard ko kahit oras ng trabaho. Bakit ba? Lunch break ko kaya!

Teka: ‘Wag ka nang mag-Google. TMI stands for “too much information.”

Speaking of lunch break, eto na. Nagpasya akong kumain ngayon sa Jollibee dahil sweldo naman. Inorder ko nga ‘yung Palabok Fiesta na may kasamang Chickenjoy. Umorder din ako ng extra rice para busog-lusog talaga. ‘Wag mo ‘kong i-judge. Maganda pa naman ang hubog ng katawan ko. But I’m not macho.

Pagkalapag ng order ko sa tray, biglang bumuhos ‘yung matatamis at maaanghang na alaala. UFC memories na lang para mas maikli. So, ‘yun nga, biglang nagbalikan ‘yung UFC memories ko from a past love. Ang aking great love na hanggang ngayon ay di ko pa rin napapalitan. Emo? Valentine’s pa rin? Pakshet.

Ngayon lang kasi ako umorder ng Palabok Fiesta and Chickenjoy with extra rice sa buong buhay ko. Pramis, maniwala ka. Ang lagi ko kasing inoorder e ‘yung 39ers kasi mura lang. ‘Pag gutom naman ako, ‘yung Spaghetti with Regular Yum ang kinakain ko.

Naalala ko bigla ngayon si “ex” kasi paborito n’ya ‘yun. Well, not sure kung paborito nga n’ya, pero nu’ng huli ko s’yang nakasamang kumain sa Jollibee, ‘yun din ang inorder n’ya, palabok and chicken with extra rice. So ngayon gets mo na kung bakit UFC memories? E kagabi pa talaga ako naglilihi sa pagkaing ‘to kaya pinatos ko na kahit alam kong may maaalala ako.

In fairness naman, masarap talaga. Na-balance out ng sarap ‘yung UFC memories, so happy pa rin naman kahit papa’no. Ibang klase talaga ‘yung combination ng hipon, chicharon, itlog, pansit, kalamansi, (pork) meat at ‘yung mahiwagang sauce na kulay orange. E may masaya pang Chickenjoy at extra rice. Fiestang-fiesta nga!

Teka: Sa’n ba yari ‘yung #MisteryosongSauce na ‘yun sa palabok? At bakit kulay orange? I sense some garlic, at atsuete siguro ‘yung pampakulay. Pero I think there’s more to it. Matanong nga si Nanay.

Shet, parang nai-in love na naman ako kay “ex” dahil sa nakain ko. Nai-in love? Arte. Sarap kong batukan. Kung pwede lang mag-Bluetooth ng batok, pinagawa ko na sa ‘yo para magising-gising ako sa pinagsasasabi ko. Better yet, pupuntahan ko na lang si “ex” at sa kanya magpapabatok. Tapos kakain kami pareho ng Palabok Fiesta and Chickenjoy… with extra rice.