Saktan Mo Ako, Please

by Sankage Steno

Meron kaming kapitbahay na mag-asawa dito sa inuupahang unit somewhere in Metro Manila na tuwing ganitong oras ng gabi, between 7pm to 9pm, e maririnig mong parang kinakatay ‘yung babae. As in sigaw talaga na parang baboy sa slaughterhouse, o ‘yung sa mga probinsya kapag piyesta.

So nu’ng una, awang-awa talaga kaming magkakasama sa bahay du’n sa babae, kasi alam mong inaabuso talaga. Ewan ko ba kung bakit hindi nagsusumbong ‘yung babae sa Women’s Desk sa prisinto. E kung bata lang s’ya, kami na sana ang tumawag sa Bantay Bata para makatulong, e kaso matanda ‘tong “inaabuso” halos gabi-gabi.

Isa pa, hindi rin namin alam kung anong number ng room nila o kung anong floor. Basta alam namin sa kabilang tower s’ya. E sa lakas ng sigaw ng babae kapag sinasaktan at sa lakas ng bulyaw ng lalaki kapag nagagalit, hindi na namin alam kung sa’n banda nanggagaling ‘yung tunog ng mga boses nila. Para na kasing naka-surround ‘yung sound system. Ganu’n kalakas talaga.

At dahil hindi namin alam ang room nila, pati na rin ‘yung mga pangalan at hitsura nila (boses lang alam namin), hindi rin kami makatulong kahit gustuhin namin.

Ngayon, dahil halos gabi-gabi na lang ‘yung “radio” drama ng mag-asawa naming kapitbahay, parang nasanay na kami at nag-e-expect na. Ang sama namin ‘no? E parang tanga naman kasi ‘yung dalawa. Laging gumagawa ng eskandalo. Si ate, ayaw naman yatang hiwalayan ‘yung abusado n’yang asawa. Pareho yata silang masokista at sadista.

O baka naman foreplay lang nila ‘yung gabi-gabing pag-aaway?

Anyway, naisipan ko lang ikwento ‘yung away nila dahil, right now, naririnig ko na naman ‘yung boses ni ateng parang kinakatay na baboy. Ingglisero nga pala ‘yung asawa n’ya so baka foreigner ito. At inassume ko na rin nga palang mag-asawa sila kahit hindi ko sila kilala. Galing ko ‘no? Ayan, medyo natahimik. Baka nagme-make out na sila.

Ang isa pa palang dahilan kung bakit ko naikwento ‘to e dahil nakita ko sa Google kanina na International Women’s Day pala ngayon. Ayun, kaya bumalik ‘yung awa ko kay ate. Sana hindi na s’ya abusuhin ng asawa n’ya. Sana rin ay matutuhan n’yang kumalas (o lumaban) sa pasakit na ginagawa sa kanya at tinatanggap n’ya nang paulit-ulit. Lumalabas kasi na parang may consent na ‘yung pananakit sa kanya.

I hope mali ako sa naiisip kong ‘yon regarding consent. Baka talagang mahal n’ya ‘yung lalaki at hindi lang kailangan for economic reasons. Or, sana nga foreplay lang talaga ‘yung bangayan nila every night. Sige pa! Sige pa! Aray!

Advertisements